Tagalog news: Marina hangad na mawala ang operasyon ng bangkang ‘colorum’ sa Palawan


 

(Larawang kuha ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Panauhing tagapagsalita sa Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA) si Engr. Petronilo Roche, officer-in-charge ng Maritime Industry Authority (Marina) – Palawan upang ilatag ang kanilang mga planong programa kaugnay sa pag-obserba ng ‘Sea Transportation Safety Month’ ngayong Hunyo. (PIAMIMAROPA/Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 21 (PIA) — Puspusan ang pagsasagawa ng ‘mobile registration’ ng Maritime Industry Authority (Marina) sa buong lalawigan ng Palawan bunsod ng hangaring maubos na ang mga bangka o ano mang sasakyang pandagat na patuloy sa kanilang iligal na operasyon.

Ito ang sinabi ni Engr. Petronilo Roche, officer-in-charge ng Marina-Palawan sa ginanap na ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA) kahapon, kaugnay ng pag-obserba ngayong Hunyo ng buwan ng ‘Sea Transportation Safety’.

Ayon sa opisyal, mula Enero hanggng Hunyo ng kasalukuyang taon, tatlong beses silang nagsagawa ng mobile registration sa mga bayan ng Balabac, Puerto Princesa at Busuanga.

Bukod dito, nagkakaloob din ang ahensiya ng mga pagsasanay at pag-iisyu ng lisensya sa mga tauhan ng bangka upang mapalawak ang kanilang kaalaman sa kaligtasang pandagat.

“To achieve ‘zero colorum’ operations in Palawan, tayo na mismo ang pumupunta sa mga areas para sa kanilang pagpapatala at para ma-legalize ang kanilang operasyon, especially sa mga crew, wala pa silang lisensya, so, kami na mismong Marina ang pupunta para mag-conduct ng modified safety training na i-a-allot para sa mga maliliit na vessel,”paliwanag ni Roche.

Aniya, dahil sadyain ang kanilang opisina mula sa Coron at El Nido kung saan maraming mga tumatakbong bangka, plano rin ng Marina na magtayo ng kanilang ’satellite office’ sa bayan ng El Nido, habang mayroon na silang maliit na opisina sa bayan ng Coron na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan.

Sinimulan na rin ng mga tauhan ng ahensiya na kolektahin ang mga kinakailangang dokumento ng mga kliyente para sa pag-proseso ng kanilang aplikasyon sa Puerto Princesa kung nasaan ang opisina ng Marina upang hindi na maabala pa at magastusan ng husto ang mga ito.

Samantala, base sa talaan ng Marina, umaabot na sa 2, 612 ang bilang ng mga rehistradong bangka, may pinakamalaking bilang dito ang mga pampasahero o bangkang panturista na mayroong 1,992; 449 ang bangkang pangisda; 114 ang cargo; 19 ang miscellaneous ship; at 38 naman ang liner.

Mayroon naming kabuoang bilang na 633 ang na-isyung ‘safety certificate’ ng Marina sa lalawigan, kung saan ang may pinakamataas na bilang ay ang El Nido – 283, sinusundan ng Coron na may 231, Honda Bay sa Puerto Princesa na may 60, Sabang, Puerto Princesa – 22, Port Barton, San Vicente – 17, Linapacan – 11, anim sa Taytay at tatlo naman sa Roxas.

Ayon kay Roche, target din nila na 100 porsiyentong mabigyan ng safety certificate ang mga may-ari ng mga bangka, pero aminado siya na hindi pa nila naaabot ang kalahating porsyento sa kasalukuyan sapagkat kulang sila sa tauhan. (LBD/PIAMIMAROPA-PALAWAN)

  

 

 

Source: PIA Feed

READ:  BTA chief: New admin to work for ill-free gov’t