Tagalog News: Mga ahensiya ng pamahalaan sa Romblon, nakiisa sa 2018 Coastal Clean-up


 

Sama-samang naglinis sa Bonbon beach ang mga tauhan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa bayan ng Romblon bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 2018 International Coastal Clean-Up Day (Larawan ni SFO1 Gerald Q. Madali/Romblon Municipal Fire Station)

ROMBLON, Romblon, Oktubre 10 (PIA) — Nakiisa ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa bayan ng Romblon sa pagdiriwang ng 2018 International Coastal Clean – Up Day taglay ang temang “Ako ang Solusyon sa Polusyon.”

Ito ay sa pamamagitan ng paglilinis ng mga basura sa baybaying dagat lalo na ang mga nagkalat na plastic sa Bonbon beach, Bgy. Lonos sa bayan ng Romblon.

Nagkakasamang nagsagawa ng paglilinis ng baybayin ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Romblon Police Provincial Office, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, PNP Maritime Group, barangay officials, volunteers, ilang indibidwal at mga kabataan.

Ang nabanggit na pagdiriwang ngayong buwan ay layuning lumikha ng higit na kamalayan sa pagpapalaganap ng pangangalaga sa karagatan.

Nilalayon din ng aktibidad na ito na hikayatin ang mga mamamayan na iwasang magtapon ng anumang uri ng basura sa mga baybayin.

Muling nagpaalala si MDRRM Officer Caesar Saul M. Malaya sa mga residenteng naninirahan malapit sa dalampasigan na pangasiwaan nila ang pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang paligid.

READ:  ECOP commits to share 300k regulars to govt drive

Aniya, iniulat ng Ocean Conservancy and McKinsey Center for Business and Environment na ang Pilipinas ang pangatlo sa buong mundo sa pinakamamalaking source ng plastic leaking sa karagatan at nangunguna naman sa South East Asia.

Dahil sa ulat na ito aniya ay dapat na magkaroon ng disiplina sa sarili ang mga Pilipino at iwasang magtapon ng plastik na basura sa dagat, ilog o sapa at maging sa buong paligid.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Sama-samang nagpakuha ng larawan ang mga kawani ng Romblon Police Provincial Office, Philippine Coast Guard at PNP Maritime Group pagkatapos nitong maglinis sa baybayin ng Bgy. Lonos, Romblon bilang pakikiisa sa  2018 International Coastal Clean – Up Day. (Larawan ni PSInsp. Ledilyn Ambonan/Romblon PPO)

 

 

Source: PIA Feed