Tagalog News: Mga bagong opisyal ng Romblon, pormal nang nanumpa


Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na gobernador ng Romblon na si Gov. Jose R. Riano na sinaksihan ng kanyang pamilya at malalapit na kaibigan sa ginanap na joint inaugural and oath–taking ceremonies sa covered court ng Romblon public plaza.(Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

ROMBLON. Romblon, Hulyo 3 (PIA) — Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na opisyal ng Romblon noong Hunyo 30 sa ginanap na joint inaugural and oath–taking ceremonies sa covered court ng Romblon public plaza.

Bago nagsimula ang naturang seremonya, isang Banal na Misa ang isinagawa sa pangunguna ni Fr. Narciso V. Abellana, na sinundan ng aktwal na panunumpa sa tungkulin ng mga nanalong alkalde, bise alkalde at konsehal ng mga bayan ng Corcuera, Ferrol, San Jose, Santa Fe at Romblon.

Kasunod namang nanumpa ang mga bagong halal na Sangguniang Panlalawigan mula sa una at pangalawang distrito ng Romblon sa katauhan nina Maria Rhosarean A. Solis, Rachel S.M. Bañares, Narciso R. Bernardo Jr., Herminio R. Mortel, Fred R. Dorado at Robert F. Maulion.

Nanumpa rin sa kanyang bagong posisyon si Governor Jose R. Riano sa pamamagitan ni Judge Donna B. Pascual ng RTC Branch 82.

 

Sa kanyang inaugural address, nangako ang bagong gobernador na kanyang tutukan ang programang pangkalusugan partikular ang pagpapaayos ng mga ospital, pagdadagdag ng medical facilities dito, pagbili ng bagong ambulansiya upang magamit ng mga pasyenteng nasa malalayong lugar at maipagamot nang libre ang mga nagkakasakit na mahihirap nitong kababayan.

Nangako si Governor Jose R. Riano na kanyang tutukan ang programang pangkalusugan, partikular ang pagpapaayos ng mga ospital, pagbili ng bagong ambulansiya upang magamit ng mga pasyenteng nasa malalayong lugar at maipagamot ng libre ang mga nagkakasakit na mahihirap nitong kababayan.(Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

Nais din niyang paunlarin ang industriya ng turismo sa lalawigan, mapalago ang agrikultura, maging handa ang lalawigan sa anumang uri ng kalamidad, mapasemento ang mga provincial roads, magpatayo o magpagawa ng mga imprastraktura na pakikinabangan ng mga taga-Romblon, matutukan ang programang pang-edukasyon para mahimok ang mga out-of-school youth na bumalik sa pag-aaral at pagsulong ng pantay-pantay na pagpapaunlad ng iba’t ibang bayan lalo na ang kapitolyo sa kanyang termino.

READ:  Ifugao leads 73rd Victory Day anniversary on Sept.1-2

“Aking ipinaaabot ang taos-puso kong pasasalamat, una sa Panginoong Diyos, sa aking mga kasama sa partido, sa aking pamilya na buo ang suporta sa aking kandidatura, at sa lahat na bumoto at tumulong sa akin para makamit ko ang panalong ito.  Ang tagumpay ko ay tagumpay rin nating lahat,” ayon sa bagong gobernador.

Huling nanumpa si Congressman Eleandro Jesus F. Madrona sa harap ng kanyang inducting officer na si outgoing Congressman Emmanuel F. Madrona.

Si Madrona ay muling naluklok bilang mambabatas ng Lone District of Romblon kung saan siya ang hahalili sa dating posisyon ng kanyang kapatid para ngayong 18th Congress.

 

Sa kanyang talumpati, nangako ang si madrona na kanyang ipagpapatuloy ang mga programa sa pagpapaunlad ng mga munisipyo at barangay gaya ng pagbibigay ng malinis na tubig para sa mga kabahayan na taon-taon nang suliranin ng mga Romblomanon.

Aniya, kanya ring ipagpapatuloy ang paglilingkod sa mga mahihirap na mga kababayan, pagtulong sa programang pang-edukasyon at susuportahan ang mga programa ni Gov. Riano hinggil sa pagpapaunlad ng turismo sa Romblon at paghahanap ng pondo para sa mga infrastructure projects ng probinsiya.

“Nagpasalamat ako sa aking pamilya, kapartido at lahat ng sumuporta noong nakaraang eleksyon dahil binigyan nila ako ng malaking kalamangan sa kalaban lalo na dito sa bayan ng Romblon,” pahayag ni Madrona.

Samantala, hiwalay namang nanumpa noong ika-28 ng Hunyo ang bagong halal na bise-gobernador na si Felix Ylagan at ang dalawang bagong SP ng ikalawang distrito na sina Rubelyn S. Solis at Jose Madrid, kasabay ng mga halal na opisyal ng bayan ng Odiongan. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed