Tagalog News: Mga gurong nagsilbi sa eleksiyon, nabigyan na ng honorarium — Comelec


Kinumpirma ni Odiongan Municipal Election Officer Reynaldo Fabella na naibigay na ng Comelec ang 100 porsiyento na honorarium ng mga gurong nagsilbi sa katatapos na national and local elections.  (Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

ODIONGAN, Romblon, Mayo 29 (PIA) — Naibigay na ng Commission on Elections (Comelec) ang 100 porsiyentong honorarium ng mga gurong nagsilbi bilang Board of Election Inspector sa probinsya ng Romblon sa katatapos na national and local elections.

Kinumpirma ito ni Odiongan Municipal Election Officer Reynaldo Fabella ng makapanayam ng mga mamamahayag sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon.

Ayon kay Fabella, ang mga nagsilbing guro at opisyal ng Department of Education (DepEd) sa Odiongan gayundin sa iba pang munisipyo ng Romblon ay nabigyan na ng honorarium noon pang Mayo 20.

Aniya, P6,000 ang ibinayad sa mga gurong nagsilbing election board chairpersons, P5,000 para sa mga board of election inspector, P4,000 sa mga Department of Education supervising officer at P2,000 naman para sa mga support staff.

Bukod aniya sa mga tinanggap nilang honorarium ay mayroon pa silang tig-P1,000 na transportation allowance. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed

READ:  Immigration warns public on modus of sending teens to work abroad