Tagalog News: Mga Ilog ng Malolos, Meycauayan at Tullahan, huhukayin


Pagpupulong nina Gobernador Daniel R. Fernando, mga alkalde ng lalawigan, at ni San Miguel Corporation President and COO Ramon S. Ang kaugnay ng itatayong New Manila International Airport sa bayan ng Bulakan. (Tanggapan ng Gobernador)

LUNGSOD NG MALOLOS, Setyembre 20 (PIA) — Sabay-sabay na huhukayin ang mga kailugan ng Malolos, Meycauayan at Tullahan sa simula ng konstruksyon ng New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan.
Iyan ang resulta ng naging pagpupulong nina Gobernador Daniel R. Fernando, mga alkalde ng lalawigan, at ni San Miguel Corporation o SMC President and COO Ramon S. Ang.
Paliwanag ni Ang, ito ang unang kinakailangang gawin base sa ginawang pag-aaral ng mga eksperto mula sa Netherlands at Belgium para matiyak na ang istraktura ng itatayong NMIA ay pipigil ng baha sa mga baybaying bayan at lungsod ng Bulacan.
Kabilang sa masosolusyunan ang mga pagbabaha sa Obando, Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Bulakan, Paombong, Malolos at Hagonoy.
Ang nasabing mga bayan at lungsod na ito ay pawang mga nakaharap sa Manila Bay habang ang mismong airport complex ay itatayo sa tabi ng Manila Bay.
Ibig sabihin, base sa inilabas na Environment Clearance Certificate ng Department of Environment and Natural Resources, hindi ito isang reklamasyon o pagtatayo sa mismong dagat kundi katabi ng dagat. 
Katunayan, ayon pa kay Ang, nasa bansa na ang mga pangunahing kasangkapan upang maghukay ng may 150 milyong cubic meters na mga basura sa nasabing mga anyong tubig na nakapaligid sa pagtatayuan ng NMIA.
Nandirito na ang 50 tonner skeleton bucket crane, Skeleton back hoe na 4 cubic meter, Barge with back hoe at ang Trailing suction dredger. 
Ang pagtatayuang 2,500 ektaryang kalupaan sa Bulakan ay dating bukirin ng palay na naging palaisdaan dahil pinasok ng tubig-alat. Bunsod ito ng patuloy na pag-angat ng tubig sa Manila Bay dahil sa pag-angat ng temperatura. 
Kaugnay nito, sinabi ni Fernando na bukod sa kalinawan sa usapin ng pagresolba sa baha sa baybayin ng Bulacan, napagkasunduan din na sasagutin na ng SMC ang relokasyon ng mga pamilyang matatamaan ng proyekto. 
Isasakatuparan ito sa pamamagitan ng in-city relocation na ang ibig sabihin, kung taga saang bayan o lungsod ang maapektuhan ay doon din sa bayan o lungsod na iyon sila maililipat.
Sasagutin na ng SMC ang pagbili sa lupa at pagtatayo ng bahay ng mga pamilyang ililipat. Iba pa rito ang pagbibigay ng tulong sa pag-aaral ng mga anak ng pamilyang apektado.
May 212 na mga katao ang nakatakdang ilipat ng SMC base sa ginawang survey ng kumpanya sa nakalipas na dalawang taon. (CLJD/SFV-PIA 3)

READ:  New heavy equipment to speed-up infra projects in ARMM

Source: PIA Feed