Tagalog news: Mga mag-aaral sa Puerto Princesa, sumasailalim sa feeding program ng DSWD


Tinitimbang ng mga social workers ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang mga mag-aaral na sumasailalim sa Supplementary Feeding Program upang masubaybayan kung nakamit ng mga benepisyaryo ng programa ang hinahangad na nutrisyon at dagdag-timbang sa pamamagitan ng mga inihaing masusustansiyang pagkain sa mga ito. (Larawang kuha ni Cheradee Lestino/PPCIO)
Tinitimbang ng mga social workers ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang mga mag-aaral na sumasailalim sa Supplementary Feeding Program upang masubaybayan kung nakamit ng mga benepisyaryo ng programa ang hinahangad na nutrisyon at dagdag-timbang sa pamamagitan ng mga inihaing masusustansiyang pagkain sa mga ito. (Cheradee Lestino/PPCIO)

 

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 27 (PIA) — Umaabot sa mahigit 5,000 mag-aaral ng Child Development Center (dating kilala bilang day care centers) sa Puerto Princesa ang kasalukuyang sumasailalim sa ‘supplementary feeding program’ (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Mimaropa.

 

Tatagal ang SFP ng hanggang 120 araw upang mabigyan ng masusustansiyang pagkain ang mga batang benepisyaryo.

 

Ipinatupad ang programa sa pakikipagtulungan sa mga LGU, kung saan inihahanda sa mga bata ang mga maiinit na pagkain katulad ng pininyahang manok, ginataang monggo, lumpiang puso ng saging at iba pa.

 

Ang mga nabanggit na uri ng pagkain ay nakabatay sa menu na nanggaling sa DSWD.

 

Bilang bahagi ng proseso, bawat bata ay tinitimbang bago matapos ang supplementary feeding upang matiyak kung nakamit ng mga ito ang pag-angat ng timbang bunsod ng mga natanggap na masusustansiyang pagkain.

 

Nilalayon ng SFP na mapabuti at mapanatili ang kalagayang pang nutrisyon ng mga bata at mapabuti ang kaalaman, saloobin at kasanayan ng mga ito, maging ng mga magulang at tagapag-alaga sa pamamagitan ng pagpapalakas ng nutrisyon at edukasyon sa kalusugan.

READ:  NUCESO gathers members for 2018 Mid-Year Convention

 

Ipinaalala naman ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na ang mga pagkaing inihahain sa programa ay bilang karagdagan lamang sa nutrisyong kailangan ng mga ito subalit mahalaga pa rin ang tamang pagpapakain ng mga magulang sa kanilang mga anak sa tahanan.

 

Kaugnay nito, umabot sa mahigit P8.4M ang pondong inilaan ng DSWD para sa SFP na laan sa 157 child development center sa lungsod. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

 

Source: PIA Feed