Tagalog News: Mga proyekto ng Puerto Princesa para sa Balayong Park, sports complex, kasado na


(Larawang kuha ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

Pinangunahan ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron (gitna) ang Ribbon Cutting Ceremony sa mga planong proyektong imprastraktura na itatayo sa loob ng Balayong Park at Ramon V. Mitra Sports Complex, kasabay ng pagdaraos ng 3rd Balayong Trees Nurturing Festival. (LBD/PIAMIMAROPA/Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 30 (PIA) — Isinagawa ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa ang ‘groundbreaking ceremony’ sa mga proyektong imprastraktura na ilalagay sa 73,461 metro kuwadrado na lawak ng Balayong (People’s) Park, maging sa Ramon V. Mitra Sports Complex.

Ang seremonya ay idinaos kasabay ng ikatlong Balayong Trees Nurturing Festival noong Sabado, ika-27 ng Hulyo.

Sinabi ni Mayor Lucilo Bayron na sisimulan na ngayong taon ang konstruksyon ng mga proyekto sa loob ng parke sa pondong nagkakahalaga ng P190.7-milyon.

Ipinakita sa publiko ang mga planong disenyo ng pagpapaganda ng kasalukuyang volleyball court na mayroong covered bleacher na nagkakahalaga ng P19.5M; konstruksyon ng indoor badminton, table tennis, lawn tennis, at sepak-takraw court na pinondohan naman ng P47.7M; ang pagsasaayos ng bagong grandstand basement na maaaring pagganapan ng taekwondo, wushu, arnis, training boxing gym, chess dorm ay nagkakahalaga naman ng P7.2M.

Halagang P29.6M naman ang inilaan para sa konstruksyon ng bagong swimming pool at babaguhin naman ang lumang pool upang gawing infinity pool.

Nagpapatuloy naman sa kasalukuyan ang konstruksyon ng kalsada mula Palawan State University (PSU) patungong Rafols Road sa loob ng sentrong pang-gobyerno sa nasasakupan ng Barangay Sta. Monica, maging ang pagpapaganda ng Balayong Nature Park, kung saan nagpapatuloy ang pagtatayo ng watch tower, water pod, amphitheater, learning pod at view deck na nagkakahalaga naman ng P86.5M.

Sinabi ni Bayron na mangyayari lamang at mapasisimulan ang lahat ng proyekto sa pamamagitn ng pag-abruba at pagbibigay ng badyet ng Department of Budget and Management (DBM).

Nilinaw din ng punong lungsod na sa loob ng government center, mayroong dalawang parke na siyang sentro ngayon ng pagpapaganda. Ang mga ito ay ang Balayong Park (People’s Park) at ang Ramon V. Mitra Sports Complex and Fitness Park.

Samantala, ipinakita rin ng mga opisyales ng lungsod kung papaano gamitin ang bagong bili na kagamitang earth-balling na kakailanganin sa pagkuha at paglilipat ng malalaking puno ng balayong para itanim sa parke. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

 

Source: PIA Feed

READ:  CJH's anniversary focuses on health,environment advocacy