Tagalog news: National MSMED Council, nagpasalamat kay Duterte sa paglagda ng RA 11032


Kabilang ang OTOP Philippines sa mga showcase sa katatapos na National MSME Summit 2018 na ginanap sa ASEAN Convention Center, Clark Freeport Zone. (Mar Jay S. Delas Alas/PIA 3)

CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga, Hulyo 13 (PIA) — Pinasalamatan ng National Micro, Small and Medium Enterprises Development o MSMED Council si Pangulong Rodrigo R. Duterte sa paglagda sa Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Sa kanyang mensahe sa katatapos na National MSME Summit 2018, sinabi ni Trade and Industry Secretary at National MSMED Council Chair Ramon Lopez na patunay ito ng katapatan ni Duterte na tugunan ang mga problema hindi lamang ng mga negosyo kundi pati na rin ng mga ordinaryong Pilipino na walang kapangyarihan at madalas na kailangang pumunta sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan para lamang makuha ang mga permit at iba pang aplikasyong kailangan nila.

Aniya, ginagawa na nila ang Implementing Rules and Regulations ng naturang batas at iiisyu kaagad upang mapadali ang pag-aplay ng permit sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan.

READ:  NC-Bayugan City invites more food, handicraft processors for product enhancement services, programs

Bukod dito, pinasalamatan din ng kalihim ang Pangulo sa paglagda ng Executive Order No.50 na nag-apruba sa pagpapatupad ng MSME Development Plan 2017-2022.

Naging katuwang aniya ng kanilang konseho ang pribadong sektor at academe sa pagbalangkas ng naturang plano na tumutukoy sa direksyon ng mga polisiya at programa para matulungan ang mga maliliit na negosyante.

Partikular niyang binanggit ang mga hakbangin ng konseho upang tulungan ang mga MSME sa iba’t ibang paraan kabilang ang disenyo, kaalaman, seminar, pagpapaunlad ng produkto, financing, kagamitan at iba pang mga serbisyong kailangan upang bumuo ng negosyo. (CLJD/MJLS-PIA 3)

Source: PIA Feed