Tagalog News: Northern Luzon Command, kinilala ang mga ‘fallen heroes’


Sa paggunita ng Araw ng mga Bayani, sinabi ni Northern Luzon Command Commander Lt.Gen. Emmanuel Salamat na ang salitang “bayani” ay may nakapaloob na salitang “bayan” na nangangahulugan na ang sinuman ay maaaring maging bayani sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang sarili para sa paglilingkod sa bansa. (Cherie Joyce V. Flores/PIA 3)

 

CAMP SERVILLANO AQUINO, lungsod ng Tarlac, Setyembre 2 (PIA) — Ginunita ng Northern Luzon Command o Nolcom ang Araw ng mga Bayani sa pamamagitan ng mga aktibidad na kumikilala sa katapangan, sakripisyo at pagmamahal sa bayan ng mga tinaguriang “fallen heroes.”

Ayon kay Nolcom Commander Lt.Gen. Emmanuel Salamat, ang komemorasyon ay pagbibigay parangal at pagkilala sa mga bayani o kawal na nakipaglaban sa ngalan ng kapayapaan at pag-unlad na inatamasa partikular sa Hilagang Luzon.

Kabilang sa mga naging aktibidad ang wreath laying, ceremonial tree planting, at paglulunsad ng Nolcom Heroes Foundation.

Binigyang diin din ni Salamat na layunin nito na makintal sa bawat isa ang katangi-tanging katangian na isinabuhay ng mga bayani at yun ang paglilingkod ng walang pagiimbot.

READ:  Tagalog news: Morong, muling itinanghal na 'Most Outstanding Municipality in Nutrition'

Aniya, dapat magkaroon ng katangian na ang bawat isa na iuna ang kapakanan ng iba bago ang sa sarili gaya ng ginawa at isinakripisyo ng mga bayani para sa bayan.

Inihayag din niya na ang salitang “bayani” ay may nakapaloob na salitang “bayan” na nangangahulugan na ang sinuman ay maaaring maging bayani sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang sarili para sa paglilingkod sa bansa.

Dagdag pa niya, ang bawat isa ay bayani na sa pagpili na paglingkuran at makapagambag sa ikauunlad at ikasasaayos ng bayan.

Kabilang sa mga nakibahagi sa naturang okasyon sina Pangasinan 2nd District Representative and House Committee on Veterans Affairs and Welfare Chairperson Leopoldo Bataoil, at Defense Undersecretary Ricardo David Jr. (CLJD/CJVF-PIA 3)

 

Source: PIA Feed