Tagalog news: Pagbabantay kontra human trafficking sa Palawan, mas pinaigting – DSWD


Sa Media Dialogue na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Mimaropa, tinalakay ang mga ginagawang hakbang at programa ng ahensiya katuwang ang mga LGU at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang mapalakas ang pagbabantay kontra sa trafficking in persons sa Palawan. (LBD-PIAMIMAROPA-Palawan)
Sa Media Dialogue na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Mimaropa, tinalakay ang mga ginagawang hakbang at programa ng ahensiya katuwang ang mga LGU at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang mapalakas ang pagbabantay kontra sa trafficking in persons sa Palawan. (LBD-PIAMIMAROPA-Palawan)

 

 

PUERTO PRINCESA, Palawan, Sityembre 26 (PIA) —Mahigpit na binabantayan ngayon ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang mga posibleng daanan at labasan ng mga ipinupuslit na biktima ng trafficking in persons (TIP) sa lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa.

Sa isinagawang ‘Media Dialogue’, Kinumpirma ni Ernie Jarabero, regional field coordinator ng Listahanan ng DSWD-Mimaropa na kasama sa kanilang sinusubaybayan ang mga lugar na dinarayo ng mga turista.

Bukod sa mga bayan sa timog ng lalawigan na madalas daanan ng mga ibinabiyaheng TIP, tinukoy ni Jarabero ang mga bayan ng El Nido, Taytay at Coron na posibleng punterya ng mga lumalabag sa batas na Anti-Trafficking in Persons.

Sinabi naman ni Eric Aborot, team leader ng Social Welfare and Development (SWAD) ng DSWD-Palawan Field Office na nakatutok din sila sa pagpapaigting ng kanilang adbokasiya upang labanan ang TIP.

“Pinalalakas po natin ang ating adbokasiya ukol dito, sa pamamagitan na rin kasi ng impormasyong ipinararating ng komunidad at maagap na aksiyon ng mga kasamahan natin sa provincial government at iba pang partner agencies, na-a-aksiyunan kaagad ang mga ganitong kaso,” ani Aborot.

READ:  Region 8 School/Room Assignment, ONSA: August 12, 2018 CSE-PPT Civil Service Exam

Aniya, sa kasalukuyang taon, mayroong 15 kababaihang pawang mga taga ibang probinsiya ang naisalba ng mga awtoridad na tangkang i-biyahe patungo sa ibang lugar at sa Palawan idinaan.

Ang mga kababaihan ay naisalba sa magkakaibang panahon at pagkakataon, sa tulong narin ng pinaigting na pakikipag-ugnayan ng bumubuo ng Provincial Inter-Agency Council Against Trafficking (PIACAT) sa mga komunidad.

Sa ngayon ay mayroong 52 mga kababaihang taga-Palawan na biktima ng TIP ang sumasailalim sa programa ng kagawaran. Ang mga ito ay naisalba mula pa noong taong 2015 hanggang kasalukuyan.

“Until now, may 52 cases tayo na patuloy nating mino-monitor at tumatanggap ng educational, livelihood, at psychosocial interventions mula sa DSWD, ito ay mga taga Palawan na ang karamihan ay galing sa norte,” dagdag pa ni Aborot. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Source: PIA Feed