Tagalog News: Paggunita ng Undas sa Romblon, pangkalahatang naging mapayapa – PNP


 

Sinabi ni P/Senior Inspector Ledilyn Y. Ambonan na walang naitalang untoward incidents sa Romblon noong Undas maliban sa mga nakumpiskang mga ipinagbabawal na bagay sa loob ng mga sementeryo.(Larawan ni Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

ROMBLON, Romblon, Nob. 9 (PIA) — Naging mapayapa sa kabuoan ang paggunita sa Todos Los Santos at Araw ng mga Patay sa buong lalawigan ng Romblon ayon sa Provincial Police Office (PPO) nito.

Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) kay Police Senior Inspector Ledilyn Y. Ambonan, tagapagsalita ng Romblon-PPO, sinabi niya na walang naitalang insidente ng panggugulo sa lalawigan, bago at hanggang sa mismong araw ng Undas ngayong taon.

Ani ng opisyal, ito ay bunsod ng epektibong pagpapatupad ng batas at mahigpit na seguridad.

Maliban aniya sa pagbibigay ng mga flyers at mga paalala, nagpakalat rin ang panlalawigan pulisya ng mga tauhan nito sa mga sementeryo at nagsagawa ng ilang random checkpoint.

“Zero crime incident po tayo noong una at ikalawang araw ng Nobyembre o hanggang sa matapos ang paggunita ng ating mga kababayan sa kanilang yumaong mahal sa buhay,” pahayag ni Ambonan.

Sa kabila aniya ng pagdagsa ng malaking bilang mga tao sa mga sementeryo at himpilan ng mga pampasaherong sasakyan ay napanatili ang kapayapaan at kaayusan.     

READ:  DSWD to local officials: Be objective in listing households damaged by “Ompong”

Matatandaan na isinailalim ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng PPO sa bansa sa ‘highest security alert status’ bilang paghahanda sa Undas 2018. (PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed