Tagalog News: Paglalagay ng ‘psychiatric emergency room’ sa mga ospital sa Palawan, ipinanukala


BM Pie Acosta
Ipinanukala ni Palawan 1st District Board Member Cherry Pie acosta ang resolusyon na humihiling kay Gobernador Jose Ch. Alvarez na pag-aralan ang posibilidad ng paglalagay o pagtatayo ng ‘psychiatric emergency room’ sa mga pampublikong ospital sa Palawan, partikular ang mga ospital na ipinatatayo ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang Department of Health (DOH). (Orlan C. Jabagat/PIA-Mimaropa/Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 14 (PIA) — Inaprubahan sa una at huling pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang resolusyon para sa paglalagay o pagtatayo ng ‘psychiatric emergency room’ sa mga pampublikong ospital sa Palawan.

Ang Resolusyon Bilang 135-19 na iniakda ni 1st District Board Member Cherry Pie Acosta ay humihiling kay Gobernador Jose Ch. Alvarez na pag-aralan ang posibilidad ng paglalagay o pagtatayo ng ‘psychiatric emergency room, partikular sa mga ospital na ipinatatayo ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang Department of Health (DOH).

Ayon kay BM Acosta, layon ng kanyang panukala na mabigyan naman ng pansin ang mga taong tinatawag na ‘psychologically challenge’ o may sakit sa pag-iisip. Sa pamamagitan aniya ng mga ‘psychiatric emergency room’ ay magkakaroon ng sariling lugar ang mga ito para sa agarang interbensiyon tulad ng rehabilitasyon, medikasyon at ‘behavioral theraphy’.

Dagdag pa ni BM Acosta na sa kanilang pag-iikot-ikot sa mga barangay sa lalawigan ay marami aniya siyang napapansin na mga ‘psychologically challenged individual’ kung kaya’t nakipag-ugnayan ito sa Provincial Health Office upang malaman kung gaano na karami ang bilang ng mga pasyenteng nabanggit.

READ:  Zamboanga Room Assignment for October 2019 Psychometricians Board Exam

“Napag-alaman po natin na base sa datos sa Provincial Health Office (PHO) natin na may 1,400 (psychologically ill) po tayo as of 2018, so, nakakaalarma po ‘yung ganun, napakarami pala kung ating titingnan, kaya nais natin silang matulungan, mabigyan ng pansin at mabigyan ng tamang gamutan upang maibalik sila sa tamang pag-iisip,” pahayag ni BM Acosta.

Aniya, isa rin sa problema ng lalawigan ang kawalan ng doktor na eksperto sa sakit sa pag-iisip o mga psychiatrist kung kaya’t hindi nabibigyan ng tamang gamutan ang mga nakakaranas nito.

Mayroon ding binuksan na posisyon ang pamahalaang panlalawigan para sa psychiatrist ngunit hindi pa ito napupunan. Sa kasalukuyan ay umaasa lamang ang mga pasyenteng may sakit sa pag-iisip sa isang doktor na bumibisita sa lalawigan minsan sa isang kwarter kung kaya’t hindi lahat ng may sakit sa pag-iisip ay nakikinabang dito.

Isinusulong rin ni BM Acosta ang pagtatayo ng isang mental health facility sa Palawan upang matutukan ang gamutan ng mga may kapansanan sa pag iisip. (OCJ/PIAMIMAROPA/Palawan)

Source: PIA Feed