Tagalog News: Pagtatayo ng Princesa Tower sa lungsod ng Puerto Princesa, isinapubliko


Iconic Tower
Ipinakita sa publiko ni Rod Saucelo, Executive Assistant ng lungsod at siya rin ang Flagship Program Manager ang disenyo ng itatayong ‘Princesa Tower’. (Larawan ni Orlan C. Jabagat)

 

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 28 (PIA) — Ipinakita na sa publiko ng pamahalaang panglungsod ang plano nitong pagtatayo ng mataas na tore na tatawaging ‘Princesa Tower’.

Ang paglalahad sa publiko ay isinagawa nina Mayor Lucilo R. Bayron at ni Rod Saucelo, Executive Assistant ng lungsod at siya rin ang Flagship Program Manager, kasabay ng Lozatech360 press conference kamakailan.

Ayon kay Mayor Bayron, ang ‘Princesa Tower’ ay kikilalaning iconic structure/building hindi lamang sa lungsod kundi maging sa buong mundo.

Sa presentasyon ipinakita ni Saucelo ang virtual design ng ‘Princesa Tower’. Mayroon itong taas na 680 meters at sinasabing papangalawa sa pinakamataas na gusali sa buong mundo.

Princesa Tower
Makikita sa larawan ang parte ng ‘Princesa Tower” na planong itayo sa Lungsod ng Puerto Princesa na ipinakita sa publiko . (Larawan ni Orlan C. Jabagat)

 

Ilan pa sa tampok o maaaring ma-experience sa toreng ito ang 550 metrong taas ng ‘sky ride’ na kayang magsakay ng 76 katao, makikita rin dito ang pinakamahabang man-made water curtain na may taas na 176 metro.

Sa pinakataas ng tore ay mayroon ding lugar para sa mga restoran o food courts, zumba area at mayroong parte na ang sahig ay salamin na kapag lumakad ka rito ay makikita mo ang ganda ng lugar sa ilalim.

READ:  Feature: Communicating the SSS, DOE info campaign

Dagdag pa ni Mayor Bayron, kapag naisakatuparan ito ay maihahahanay ito sa mga tanyag na istruktura sa ibang bansa tulad ng Eiffel Tower sa Paris, France, Sydney Opera House sa Australia at iba pa.

Dalawang lugar ang ikinokonsidera ng pamahalaang panglungsod na pagtayuan ng nasabing istruktura, ito ay ang lugar sa harap ng New Green City Hall o kaya sa Environmental Estate sa Bgy. Sta. Lucia.

Sinabi pa ni Mayor Bayron na ang tanging gagastusin lamang ng pamahalaan dito ay ang paggawa ng disenyo ng tore na nagkakahalaga ng isang milyong piso. Ang magiging pondo naman nito ay sa pamamagitan ng crowd-funding. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Source: PIA Feed