Tagalog News: Pagtitinda ng P38 kada kilo ng Bigas ng mga mangingiskis sa Bulacan, pinalawig


LUNGSOD NG MALOLOS, Okt 8 (PIA) —  Patuloy ang pagtitinda ng mga bagong kiskis at magagandang kalidad ng Bigas sa halagang 38 piso kada kilo sa mismong tarangkahan ng pakiskisan ng Palay sa bayan ng Bocaue.
 
Sa muling surpresang inspeksiyon na ginawa ng National Food Authority o NFA at Department of Trade and Industry o DTI, napag-alaman na pinalawig ng mga rice millers ang pagtitinda ng mga murang Bigas na higit pa sa kanilang ipinangako noong ikalawang linggo ng Setyembre.
 
Nasuri rin ni DTI Provincial Director Zorina Aldana na bukod sa mura, itinitinda rin ito sa maayos na pagkikilo.
 
Ayon kay Bulacan Rice Millers Association Vice President Roderico Sulit, bahagi pa rin ito ng proyektong Tulong sa Bayan na inilunsad ng mga rice millers noong Mayo bilang tugon sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtinda ng mga murang Bigas hanggang makumpleto ng NFA ang imbak nito sa kanilang mga kamalig.
 
Bago dumating sa Bocaue ang pagtitinda ng 38 piso kada kilo na Bigas, nauna nang dinala ang Tulong sa Bayan sa mga naninirahan sa mga relocation sites sa Maolos, Balagtas at Marilao.
 
Ipinaliwanag naman ni Sulit na kanilang nilagyan ng limitasyong hanggang limang kilo bawat binebentahan upang maiwasan na muling maitinda ito sa mas mahal na presyo.
 
Ang naturang mga Bigas na ibinebenta sa halagang 38 piso kada kilo ay katumbas ng komersiyal na presyo sa mga pamilihan na P40-P45 kada kilo.
 
Patuloy pa aniyang magtitinda ang Bulacan Rice Millers Association hanggang sa mapababa na sa normal na presyo ang Bigas sa mga palengke sa lalawigan. (CLJD/SFV-PIA 3)
 

READ:  Public sector’s largest HR event set on July
Tinitiyak ni Department of Trade and Industry Bulacan Provincial Director Zorina Aldana (kanan) na bukod sa mura at magandang kalidad ng Bigas ang naititinda ng mga mangingiskis sa Bocaue ay sumusunod ang mga ito sa tamang pagtitimbang. (Shane F. Velasco/PIA 3)

 

Source: PIA Feed