Tagalog News: Palawan, nakatanggap ng non-food items para sa sakuna,kalamidad mula OCD


OCD-Mimaropa non-food items
Ang mga non-food items na ibinigay ng Office of the Civil Defense (OCD)-Mimaropa para sa lalawigan ng Palawan. Ang mga non-food item na ito ay bilang paghahanda ng OCD sa panahon ng sakuna at kalamidad. (Larawan mula kay PDRRM Officer Jerry Alili)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 12 (PIA) — Nasa 500 malalaking kahon na naglalaman ng mga non-food item ang ibinigay ng Office of the Civil Defense (OCD)-Mimaropa para sa Palawan bilang paghahanda sa anumang sakuna o kalamidad na maaaring maranasan ng lalawigan.

Mula sa 500 kahon, dumating na ang nasa 200 sa mga ito at kasalukuyan ngayong nakalagak sa Provincial Disaster Operation Center of Palawan (PDOCP) sa ilalim ng pangangasiwa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)

Ayon kay PDRRM Officer Jerry Alili, 200 kahon pa lamang ang dumating at ang nasa 300 kahon pa para sa Palawan ay nasa bodega pa ng OCD-Mimaropa at nakatakda na ring ipadala sa Palawan sa susunod na mga linggo.

Ang bawat kahon ay naglalaman ng mga kagamitan sa pagluluto tulad ng kaldero at kawali, mga kagamitang pang-kusina tulad ng mga plato, baso at mga kutsara’t tinidor, mayroon ding kulambo, banig, unan, kumot, hygiene kits at iba pa.

READ:  10 evac centers turned over to CV

Dagdag pa ni Alili na ito ay bahagi ng paghahanda ng OCD sakaling magkaroon ng kalamidad. Ang laman ng bawat kahon na ibabahagi sa mga biktima ng kalamidad ay makakatulong sa mga ito habang nasa evacuation center.

Sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy ang mga aktibidad ng PDRRMO kaugnay ng pag-obserba ng National Disaster Resilience Month katulad na lamang ng pagsasagawa ng ‘Static Display 2019’ kamakailan kung saan ipinakita dito ang mga kagamitan, kapabilidad at kahandaan ng response units ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa. Katuwang ng PDRRMO ang OCD at Puerto Princesa City DRRMO sa aktibidad na ito. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Source: PIA Feed