Tagalog News: Pangalan ng 'Family Health Access Program', nais baguhin ni Gov. Riano


Nais ipabago ni Governor Jose R. Riano sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon ang pangalan o katawagan ng ‘Sulong Family Health Access Program’ patungo sa ‘One Romblon Health Access Program’ para mapabilang sa kanyang agenda na ‘One Romblon, One Province’.(Larawan ni Gotardo Montero/LGU-Romblon)

ROMBLON, Romblon, Agosto 1 (PIA) — Hiniling ni Governor Jose R. Riano sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon na baguhin ang pangalan o katawagan ng ‘Sulong Family Health Access Program’ at maging ‘One Romblon Health Access Program.’

Ang programang pangkalusugan na ito ng pamahalaang panlalawigan ay tumutulong sa mga maralitang pamilya at mga taong may kapansanan (Person with Disabilities) para sa pagpapagamot at gastusin sa pampublikong ospital sa Romblon.

Batay sa liham ni Riano na ipinadala sa Sangguniang Panlalawigan, nais niyang mapabilang ang programang ito sa kanyang agenda na ‘One Romblon, One Province’.

Ang nasabing health access program ay layuning matulungan ang mga benepisyaryo nito sa gastusin kapag nagkakasakit dahil sila ay libreng magagamot sa pamamagitan ng Family Health Card na kaloob ng provincial government.

Inilunsad ito sa panahon ni dating Governor Eduardo Firmalo noong 2015 para lamang sa mga senior citizen at PWD hanggang sa maging ordinansa na noong 2017 at ginawang para na sa lahat ng maralitang pamilya sa lalawigan ng Romblon.

READ:  1700 elderlies get early Christmas gifts from Nueva Vizcaya LGU

Batay sa record ng Provincial Budget, mayroon itong nakalaang pondong aabot sa P10 milyon para sa sa taong kasalukuyan.  (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed