Tagalog news: Pasilidad para sa rehabilitasyon ng Puerto Princesa Bay, itatayo


 

Disenyo ng planong itayong Septage and Sewerage Treatment Plant sa Puerto Princesa. (Larawan mula sa planong disenyo ng ESTII at JCA Holdings)
Disenyo ng planong itayong Septage and Sewerage Treatment Plant sa Puerto Princesa. (Larawan mula sa planong disenyo ng ESTII at JCA Holdings)

 

PUERTO PRINCESA, Palawan, Sityembre 26 (PIA) — Nakikipagkasundo ngayon ang pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa sa tatlong pribadong kompanya para sa pagtatayo ng pasilidad na maglilinis ng tubig sa komunidad na dumadaloy sa mga alkantarilya at septage patungo sa baybayin ng siyudad.

Sa pamamagitan ng joint venture agreement, ang mga kompanyang Ecosystems Technologies Incorporated, Ecosystem Technologies International (ESTII) Inc., at JCA Holdings ang magsisilbing ahente, operator at kontraktor ng LGU para sa pagkakaloob ng serbisyong pang kalinisan, septage, sewerage.

“Kami ang maglilinis ng tubig sa mga kanal sa pamamagitan ng itatayo naming treatment plant, gayon din ang tubig na umaagos patungong baywalk, lilinisin muna sa facilities natin bago papadaluyin sa Puerto Bay,” tinuran ni Jehremiah Asis, chief corporate adviser ng ESTII at pangulo ng JCA Holdings, Inc. sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA).

Positibo sa proyekto ang pamahalaang lungsod upang maging kaaya-aya ang Baywalk ng siyudad na kabilang sa mga pasyalan ng mga turista o bisita.

“Maganda naman ang kanilang proyektong ipinakita sa atin, kasi kailangan na nating ma-rehabilitate ang baybay natin, dapat malinis na ang dumadaloy na tubig doon mula sa ating mga kanal, makakatipid pa tayo ng kunsumo sa tubig,”pahayag ni Konsehal Jimmy Carbonell.

READ:  Finalists of the 2018 Metrobank Foundation outstanding filipino search named

Pagdating sa aspetong pinansiyal, ang pribadong kompanya ang gugugol ng PhP2l5M para sa konstruksyon ng pasilidad at magiging operasyon, habang PhP25M naman ang manggagaling sa LGU para sa lupang pagtatayuan ng planta.

Sa paglalatag ni Asis sa Sangguniang Panlungsod ng disenyo ng kanilang panukalang proyekto, sinabi niyang maliban sa layuning malinis ang kapaligiran at rehabilitasyon ng baybayin ng lungsod, makapagbibigay din sila ng recycled water sa siyudad na maaaring gamitin sa mga pasilidad ng pamahalaan katulad ng gusaling panlunsod at sa itatayong bagong palengke.

“Magpo-provide kami ng libreng tubig sa city government, 1,000 metro kubiko kada araw, malaking katipiran na ‘yon ng ating LGU,” dagdag pa ni Asis.

Magkakaroon din ng hiwalay na kontrata ang tatlong kompanya sa Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na siyang bibili ng tubig na nakolekta at nalinis mula sa mga septage.

Samantala, hinihintay na lamang ng mga kompanya ang pag-endorso ng Sangguniang Panlungsod na siyang kinakailangan upang maisaayos ang kontrata bago mapasimulan ang proseso sa pagpapatupad ng proyekto. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

 

 

Source: PIA Feed