Tagalog News: Pederalismo umani ng ibat-ibang reaksyon mula sa local media practitioners sa Caraga region

LUNGSOD NG BUTUAN, Set. 13 (PIA) – Umani ng ibat-ibang reaksyon ang pagsusulong ng Pederalismo sa bansa mula sa mga media practitioners sa Caraga region.

Sa isinagawang media forum on Federalism kamakailan sa lungsod ng Butuan, ibinahagi ng mga partisipante ang kanilang mga tanong at saloobin patungkol sa Pederalismo at posibleng maidudulot ng pagbabago sa struktura ng pamamahala sa bansa, maging sa rehiyon.

Sa inisyatibong ito ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Information Agency (PIA), at mga miyembro ng Consultative Committee to Review the 1987 Constitution na nagmula pa sa ibat-ibang rehiyon, natipon ang may 30 media practitioners at naipaliwanag sa kanila ang mga mahahalagang impormasyon ukol sa isinusulong ng gobyerno na Federal form of government.

Ibinahagi ni Celestino Ybañez Jr., radio commentator ng Real Radio FM Butuan, ang kanyang pag-aalinlangan at pagtutol sa pagpapatupad ng Pederalismo sa bansa. Hindi umano pagbabago sa struktura ng pamahalaang gobyerno ang kailangan, kundi ang mga opisyal na nasa posisyon.

Lubos naman ang suporta sa Pederalismo ni Glenn Bequibel, disc jockey ng Magik FM Butuan dahil magkakaroon na umano ng equal representation ang Federal regions sa national government at mas mapapalawak pa ang implementsyon ng mga programa at serbisyo sa mga local constituents.

READ:  Tuguegarao Room Assignment: June 2018 Agriculturists Board Exam

Hindi rin makapag-desisyon sa ngayon si Julius Lacierda, station manager ng Brigada News FM sa Butuan City kung sang-ayon sya sa pagsusulong ng Pederalismo dahil hindi pa umano sya kombinsido at marami pa umanong dapat ayusin at ihanda na mga detalye sa pagpapatupad nito.

Ayon naman kay DILG Caraga regional director Lilibeth Famacion, malaki ang ginagampanang papel ng mga media sa pagpalaganap ng kampanya tungo Pederalismo, na ito’y mas lalo pang maintindihan ng mga Pilipino lalo na sa Caraga region.

Samantala, kasabay sa isinagawang Media Forum, tinipon din ang ibat-ibang sektor sa lipunan para sa isang Federalism Roadshow na kung saan naibahagi nila ang kanilang saloobin sa pagpapatupad ng Pederalismo sa bansa, at karamihan sa kanila ay sumusuporta dito dahil na rin sa magandang pagbabagong maibibigay nito sa mga pinoy. (JPG/PIA-Caraga)

Source: PIA Feed