Tagalog News: PhilMech, ipinagdiriwang ang ika-41 anibersaryo


Binuksan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech ang tanggapan upang ipakita sa mga magsasaka at iba pang stakeholders ang mga inobasyon at gawang makabagong kagamitang kanilang magagamit sa pagsasaka. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ, Mayo 21 (PIA) — Ipinagdiriwang ngayong linggo ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PHilMech ang ika-41 taong anibersaryo. 
 
Ayon kay PhilMech Director Baldwin Jallorina, layunin ng pagdiriwang na ipakita ang mga pagtatagumpay ng tanggapan gayundin ang kampanya sa pagpapalago ng mekanisasyon sa industriyang pagsasaka. 
 
Ang pagdiriwang ay naka-angkla sa temang “Mechanization Towards Farmers’ Competitiveness.”
 
Tampok rito ang dalawang araw na “Industry Day” na kung saan ipinakita sa mga magsasaka at stakeholdersang mga makabagong inobasyon at mga gawang kagamitan sa pagsasaka.
 
Pinangunahan din ni Jallorina ang pagtanggap sa mga makinaryang ibinigay ng KAMIKO o Korea Agricultural Machinery Industry Cooperative mula sa bansang Korea bilang bahagi ng kanilang kasunduang pagpapalago ng mekanisasyon sa pagsasaka.
 
Nakapaloob din sa taunang selebrasyon ang talakayan kasama ang mga kawani ng tanggapan at mga bisita hinggil sa magiging gampanin ng PhilMech sa implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Program o RCEP na ipatutupad batay sa Batas Republika Bilang 11203 o Rice Tariffication Law.
 
Ayon sa batas, pinakamalaking pondo ng RCEP na katumbas 5 bilyong piso ay mapupunta sa Rice Mechanization Program na pangangasiwaan PhilMech mula sa pamamahagi ng mga makinarya at kasanayan sa grupo ng mga magsasaka sa buong bansa.  
 
Pahayag ni Jallorina, nakagayak na ang tanggapan na pasimulan ang programa at sa kabuuan ng kanilang magiging gampanin sa implementasyon ng batas.
 
Hangad aniya nila na mailapit ang lahat ng mga kasanayan at makabagong kagamitang pangsaka sa mga kababayan upang makatulong sa pagpapaunlad ng industriya. 
 
Ang PhilMech ay naitatag noong Mayo 24, 1978 bilang National Postharvest Institute for Research and Extension. (CLJD/CCN-PIA 3)
 

READ:  Thousands join Black Nazarene procession in La Union

Source: PIA Feed