Tagalog News: PhilRice, tiniyak na ligtas kainin at itanim ang Golden Rice


Ipinaliliwanag ni Dr. Reynante Ordonio, Healthier Rice Project Leader ng Philippine Rice Research Institute, ang katiyakang ligtas at mabuting benepisyo ng Golden Rice sa kalusugan at kabuhayan ng tao. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ, Enero 13 (PIA) — Tiniyak ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice na ligtas kainin at itanim ang Golden Rice. 
Ayon kay PhilRice Healthier Rice Project Leader Dr. Reynante Ordonio, walang dapat na ikatakot sa naising pagsasapubliko ng Golden Rice dahil dumaraan ito sa masusing pag-aaral upang matugunan ang malnutrisyon sa bansa partikular ang kakulangan sa Bitamina A ng mga Pilipino.

Taglay aniya ng Golden Rice ang beta carotene na nagiging bitamina A na pangangailangan ng katawan. 
 
Kaugnay nito ay iniulat ni Jomarie Tongol ng National Nutrition Council (NNC) na nasa 21.5 porsyento ng mga Pilipino ang kulang sa timbang dulot ng kakulangan sa nutrisyon gaya ng Iron, Iodine at Bitamina A. 
 
Kung kaya’t isinusulong ng PhilRice at International Rice Research Institute o IRRI ang Golden Rice na karagdagan at mabisang pagkukunan ng mga pangangailangang nutrisyon upang maiangat ang antas ng kalusugan ng mga Pilipino. 
 
Paglilinaw ni Dr. Ordonio, 1990s pa noong matuklasan nina Professor emeritus Ingo Potrykus at Peter Beyer ang orihinal na Golden Rice na ngayon ay isinasalin ng PhilRice at IRRI sa mga kasalukuyang uri ng palay na sinasaka at kinokonsumo sa bansa. 
 
Kabilang rito ang mga uri ng palay na PSB Rc 82, NSIC Rc 222, 160, 238, 300, 460, 402, 358, 354, 308, at 298. 
 
Pahayag ni Dr. Ordonio, taong 2015 ng sinimulang pag-aralan ng tanggapan ang Golden Rice na pinasuri pa sa ibang bansa na kinakitaan ng yaman sa beta carotene at kalidad gaya ng mga ordinaryong bigas na mayroon sa bansa na ligtas kainin alinsunod sa mga batas at pandaigdigang alituntunin.  
 
Bukod rito ay dumaan na din sa konsultasyon o public hearing ang pag-aaral ng Golden Rice na kung saan binigyang linaw sa mga magsasaka at iba’t ibang stakeholders ang mga usapin at mabuting maidudulot ng ipinakikilalang uri ng bigas. 
 
Bilang paglilinaw, ang Golden Rice aniya ay ilalabas lamang sa publiko kung papayagan at papasa sa pagsisiyasat ng mga kagawaran ng pamahalaan gaya sa Kalusugan, Pagsasaka, Siyensiya at Teknolohiya, Kapaligiran at Likas na Yaman, at Interyor at Lokal na Pamamahala. 

READ:  Cebuano News: Filipino Sign Language, gi-deklarang nat’l sign language

Sa resultang ito aniya nakadepende ang pagpapahintulot na makapagsagawa ng field trial na susundan ng pagpaparehistro bilang uri ng bigas at pagpapalabas sa merkado. 

Ayon pa kay Dr. Ordonio, wala ding dapat ikabahala sa pagsasaka ng Golden Rice dahil kung paano alagaan at anihin ang mga nakagawiang uri ng palay sa sakahan ay ganun din ang sistema sa pagsasaka ng Golden Rice. 

Kaniyang payo at mensahe sa lahat ay maging mapanuri sa mga lumalabas na impormasyon patungkol sa naturang pag-aaral at tiyaking mula ito sa mga eksperto upang hindi magdulot ng kalituhan. (CLJD/CCN-PIA 3)

Source: PIA Feed