Tagalog News: Pistahan sa Puerto 2018, nagsimula na


Christmas Tree lighting
Ang Community Christmas Tree sa Puerto Princesa City Baywalk na pinailawan kamakalawa bilang hudyat ng pagsisimula ng Pistahan sa Puerto 2018. May taas ito na 100 talampakan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Dis. 03 (PIA) — Sa pamamagitan ng pagpapailaw ng community christmas tree sa Baywalk ng lungsod kamakalawa ang hudyat ng pagbubukas ng Pistahan sa Puerto 2018 na may temang “Pista Na, Pasko Pa”.

Bago pailawan ang higanteng christmas tree na may taas na 100 talampakan ay nagkaroon muna ng christmas concert ang nasa 24 choral group na nagmula sa iba’t-ibang komunidad ng lungsod. Nagkaroon din ng candle lighting sa pangunguna ni Puerto Princesa Mayor Lucilo R. Bayron.

Ang programang ito ay taunang ginagawa ng Pamahalang Panglungsod ng Puerto Princesa bilang pakikiisa sa Kapistahan ng Immaculada Concepcion ng Simbahang Katoliko at sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

“Ngayong kapaskuhan, hindi lang panahon ng pagsasaya, kundi pahanon din ito ng pagbabaliktanaw kung ano na ba ang ating mga nagawa para sa ating mga kababayan,” ito ang naging pahayag ni Mayor Bayron bago pailawan ang higanteng Christmas tree.

“Nawa’y sa darating na kapistahan at kapaskuhan, huwag nating kalimutan na magdasal, magpasalamat sa mga kasaganahan at biyayang ating nakamtan, gayundin naman ang pagbabahagi nito sa mga pamilya ng ating mga kababayang kapos-palad at salat sa yaman, bilang tanda at pagpapadama ng pagmamahal sa kapuwa,” dagdag pa ng Alkalde.

READ:  Navotas, Mother Earth Foundation sign MOA to advance solid waste management

Ayon naman sa mensahe ni Bishop Socrates C. Mesiona, MSP, D.D. ng Bikaryato Apostoliko ng Puerto Princesa, natatangi ang taon ng pagdiriwang ng Pista dahil ang pagdiriwang ng Immaculada Concepcion ay itinakda na nang Pangulong Rodrigo R. Duterte bilang special non-working holiday sa buong bansa upang mabigyan ng pagkakataon ang  bawat pamilyang Katoliko na magsama-sama sa araw ng Mahal na Birheng Maria.

Sa loob ng isang buwang pagdiriwang ay iba’t-ibang palabas ang matutunghayan sa lungsod sa araw at gabi upang magbigay kasiyahan sa mga bisita, dayuhan man o mamamayan ng lungsod at mga karatig bayan.

Magtatapos ang Pistahan sa Puerto 2018 sa pamamagitan ng News Years Countdown at fireworks dislplay sa Baywalk Area ng lungsod. (OCJ/PIA-MIMAROPA/Palawan)

Source: PIA Feed