Tagalog News: Plant Familiarization Tour para sa media, isinagawa

LUNGSOD NG BATANGAS, Hulyo 4 (PIA)- Pinangunahan ng Team Energy Corp. at Aboitiz Power Renewables Inc. (APRI) ang isang Plant Familiarization tour para sa ilang mga miyembro ng media mula sa Batangas, Laguna at Bicol na isinagawa sa Pagbilao Power Station noong ika-27 ng Hunyo.

Ayon kay Jay Gaspar, External Affairs Coordinator ng TeaM Energy ang naturang aktibidad ay layong mabigyan ng sapat na kaaalaman ang mga miyembro ng mamamahayag ukol sa iba’t-ibang uri ng planta at kung paano ito nag-ooperate.

“Gusto po naming maipakita sa inyo kung ano ba ang ginagawa ng TeaM Energy Corp. gayundin ang maipakita sa inyo ang mga teknolohiyang ginagamit namin sa pagpapatakbo ng mga plantang tulad ng Pagbilao Power Station na gumagamit ng coal alinsabay ng pangangalaga at pagprotekta namin sa kapaligiran at kalikasan at mga inisyatibong isinusulong namin upang maisulong ang kaunlaran sa bansa lalo na ang mga host communities kung saan matatagpuan ang planta,” ani Gaspar.

Sinabi pa ni Gaspar na 11% ang kabuuang suplay na naibibigay ng Team Energy Corp. sa Luzon at Visayas Grid. Ang coal na ginagamit ng Pagbilao Power Station ay mula sa Indonesia at ang naturang planta ay ISO 14001:2015 certified bukod pa sa ito ay sumusunod din sa patakaran ng World Bank.

READ:  NV villagers support bloodletting drive

Ang mga fly ash na dating nagdudulot ng dumi sa kapaligiran ay iniipon ng planta at binibili ng Republic Cement dahil ito ay maaaring magamit sa paggawa ng semento.  Ang mga saltwater naman na ginagamit sa planta ay dumadaan sa desalination kung saan inihihiwalay ang asin sa freshwater at muling ibinabalik ang asin sa dagat. May water treatment facility din sila kapag umapaw ang tubig kapag malakas ang ulan at bumabaha kung kaya’t bago lumabas ang tubig sa karagatan ay malinis na ito at dumaan sa proseso.

Ang TeaM Energy Corp. ay isang partnership sa pagitan ng Japanese firms na Tokyo Electric Power Company at Marubeni Corporation at may dalawang plantang pinangangasiwaan, ang Pagbilao Power Station na may kapasidad na 735MW at matatagpuan sa Ibabang Polo,Pagbilao,Quezon at Sual Power Station sa Sual Pangasinan na may 1,218 MW. Mayroon din itong 20% stake sa 1,200 MW natural gas fired power plant sa Ilijan Batangas at 50% stake sa 420 MW Pagbilao Unit 3 power project. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)

Source: PIA Feed