Tagalog news: Plant Genetic Resources Center, binuksan ng DA-Mimaropa sa Palawan


(Larawan mula sa Deaprtment of Agriculture (DA) – Mimaropa)

Pinangunahan nina  Department of Agriculture (DA) Mimaropa Regional Director for Research, Dr. Louella Lorenzana (3rd from the right) at Bureau of Agricultural Research (BAR) Assistant Director Digna Sandoval (4th from the right) ang ‘Ribbon Cutting Ceremony’ sa idinaos na pagpapasinaya sa bagong tayong Plan Genetic Resources Center sa Puerto Princesa, Palawan. (LBD/DAMIMAROPA/Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 31 (PIA) — Pormal na pinasinayaan ng Department of Agriculture (DA) – Mimaropa ang bagong tayong Plant Genetic Resources Center (PGRC) na matatagpuan sa Barangay Irawan, lungsod ng Puerto Princesa noong ika-30 ng Mayo.

Ang pasilidad ay pinondohan ng PhP3M mula sa Bureau of Agricultural Research (BAR) ng kagawaran na naglalayong pag-imbakan ng iba’t ibang uri ng buto ng mga pananim para sa pangangalaga at pananaliksik.

“Alam natin na ang Palawan is the biodiversity, sila ang magpo-produce ng mga indigenous vegetables, or different variety of crops (tumutukoy sa mga magsasaka), marami dito sa Palawan. Kami ang mangongolekta sa mga farmers, at magiging source ng genetic materials for future generation, lalo na pagdating ng climate change, nawawala na ang ating mga crop genetic resources, ‘yan ang importansya ng resources facility natin, for conservation,” tinuran ni Digna Sandoval, assistant director ng BAR.

Sa nasabing pasilidad, mapapangalagaan ang mga pananim na dumaan sa pagsusuri ng Palawan Research and Experiment Station (PRES) hindi lamang sa Palawan kundi maging sa iba pang probinsiya na sakop ng rehiyon.

Dito, matitiyak na ligtas ang mga ito sa banta ng peste sa halaman o pagkasira dahil sa matagal nang panahong nakaimbak o nasira ng kalamidad.

“Iyong mga pagkain nating kinakain ngayon, kung mayroon tayong mga naka-store na genetic materials, kasi laging may nadedevelop na bago, ‘yong ini-enjoy natin na pagkain ngayon, there is a guarantee na makakain ‘yan ng ating children, our children’s children and the succeeding generation. So, it’s conservation of what we have today, conservation of what we have indigenous materials, kasi nawawala na yong iba, because nauubos ‘yong sa field, so, through this facility masisiguro natin na may conserved tayo,” ani Dr. Louella Lorenzana, regional technical director for research ng DA-Mimaropa.

Aniya, mayroon nang iba’t ibang buto ng kasoy mula sa lalawigan ang napaunlad ng DA-PRES at nakahanda nang ipamahagi para sa produksyon. Ang mga ito ay pinangalanang “Mitra” at “Recto”, habang mayroon pang apat na uri ng buto ng kasoy nan a sa proseso pa ng ebaluwasyon at inaasahang aaprubahan ang pagpapatala sa susunod na tatlong taon. Ang mga ito ay ang pinangalanang: “Fernandez”, “Gonzales”, “Caliwag”, at “Eleazar”.

Dagdag pa niya, bukod sa kasoy, mayroon din silang nakolektang binhi ng gulay na ilalagak sa PGRC.

Paliwanag ng opisyal, ang kanilang mga mananaliksik ang siyang iikot sa mga komunidad upang mangolekta ng mga materyales na kanilang susuriin at pauunlarin para sa mga pangangailangan sa hinaharap. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

 

 

Source: PIA Feed

READ:  Support group for dialysis patients formed in Cagayan