Tagalog News: Produksiyon ng ‘dalanghita nectar’ patuloy na pauunlarin sa Tagkawayan   

TAGKAWAYAN, Quezon, Setyembre 14 (PIA)- Pursigido ang pamahalaang bayan ng Tagkawayan  na mapaunlad pa ang mga produktong gawa sa bayan kagaya ng dalanghita nectar at mga  handicrafts.

Sa programang ‘Balikatan Unlimited with PIA’ sa DWLC-Radyo Pilipinas- Lucena, sinabi ni Myra  Frondoso, adviser ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) ng bayan ng Tagkawayan, nananatiling isa sa mga pinagkakakitaan ng mga residente ng Tagkawayan  gayundin  ng mga miyembro ng kooperatibang  Agos ng Pag-Asa  ang produksiyon ng dalanghita nectar gayundin ang paggawa ng mga handicrafts.

Sinabi ni Frondoso na malaki ang taniman ng dalanghita sa kanilang bayan kung kaya’t  patuloy nilang pauunlarin ang produksiyon ng dalanghita  nectar na malaki ring tulong sa kanyang mga kababayan bilang isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan sa lugar.

Kaugnay nito, nagpasalamat si Frondoso sa pag-anyaya sa kanya sa radio program sa pamamagitan ng Philippine Information Agency  (PIA-Quezon) at Radyo Pilipinas- Lucena  upang maipabatid ang mga programa ng KALIPI sa kanilang bayan.

READ:  DPWH opens temporary Skyway exit in Makati

“Nagpapasalamat din ako sa mga tanggapan ng pamahalaan kagaya ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Science and Technology (DOST) na siyang katuwang namin sa pagpapaunlad ng mga produktong  gawa sa Tagkawayan.

Ang bayan ng Tagkawayan  na binubuo ng 45 barangay ay nakiisa sa Niyogyugan Festival kamakailan upang ipakita ang kanilang mga  produkto.

Samantala, sinabi din ni Frondoso na kabilang din sa mga pruduktong kanilang pauunlarin ay ang pagtatanin ng cacao o cacao production  at rambutan. (Ruel Orinday, PIA-Quezon)

Source: PIA Feed