Tagalog News: Proseso ng procurement para sa National ID, sisimulan sa Pebrero


Inanunsyo ni Philippine Statistics Authority Regional Director Edgardo Pare (unang hanay, pangalawa sa kaliwa) na sisimulan na sa Pebrero ang proseso ng procurement para sa Philippine Identification System, bago ang malawakang pagrerehistro sa Setyembre. (Marie Joy L. Simpao/PIA 3)

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Peb. 18 (PIA) — Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority o PSA na sisimulan na ngayong buwan ang proseso ng procurement para sa Philippine Identification System o PhilSys, bago ang malawakang pagrerehistro sa Setyembre. 
 
Ayon kay PSA Regional Director Edgardo Pare, target ng ahensyang makapagrehistro ng anim na milyong Pilipino sa huling tatlong buwan ng taong ito.
 
Sa susunod na taon, aniya, target ng PSA na makapagrehistro ng 25-31 milyon at sisimulan na rin ang pagrerehistro sa mga Overseas Filipino Workers, imigrante at dual citizens.
 
Dagdag pa ng direktor, may kabuuang P30 bilyon pondo para sa nasabing proyekto na nakatakdang ipatupad hanggang 2023.
 
Libre ang pagpaparehistro para sa national ID ngunit kinakailangang magdala ng patunay ng pagkakakilanlan o valid ID sa pagpaparehistro.
 
May natatanging serial code ang national ID depende sa petsa at lugar ng kapanganakan at tirahan ng magrerehistro. Bukod dito, mayroon ding sequential code para sa mga magkakapangalan. 
 
Ayon kay Pare, maaaring i-validate ang ID kahit hindi ito dala ng may-ari basta kailangang kabisado niya ang code.
 
Binanggit din niya ang posibilidad ng pakikipag-partner sa mga lokal na pamahalaan kung saan maaari silang magtayo ng mga registration center na patatakbuhin ng hindi bababa sa limang tao at may eye scanner, printer, biometrics, kamera at mabilis na koneksyon ng internet. 
 
Sa ilalim ng batas, ang Philippine lD ay maglalaman ng biometric na impormasyon, kasama ang pitong demograpikong datos tulad ng buong pangalan, kasarian, petsa ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, uri ng dugo, tirahan, nasyonalidad, at tatlong opsiyonal na impormasyon partikular na ang marital status, numero ng telepono, at email address. (CLJD/MJLS- PIA 3)
 

READ:  Tabuk City mayor-elect to fulfill campaign promises

Source: PIA Feed