Tagalog News: Prov'l Bantay Asin Task Force nag-inspeksyon at nagpulong sa Lobo

LUNGSOD NG BATANGAS, Nob. 12 (PIA)- Binista ng Batangas Provincial Bantay Asin Task Force ang pagawaan ng asin sa Brgy. Sawang sa Munisipalidad ng Lobo noong ika-4 ng Oktubre 2018, kamakailan.

Pinangunahan ni Dra. Rozvilinda Ozaeta, pinuno ng Provincial Health Office ang aktibidad kasama ang mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), PNP-Maritime Group at mga tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Tiningnan ng Provincial Bantay Asin Task Force ang kapasidad ng nasabing gawaan sa Lobo upang makapagbigay ng mga rekomendasyon para sa pagpapabuti ng operasyon nito. Ang aktibidad ay bahagi din ng patuloy na kampanya para sa pagbebenta at paggamit ng iodized salt sa lalawigan ng Batangas.

Matapos ang site inspection, nagtungo sa Lobo Municipal Hospital ang mga miyembro ng task force para sa 3rd Quarter Meeting kung saan tinalakay ang kalagayan ng pagpapatupad ng Republic Act 8172 o An Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN) Law sa Batangas Province.

READ:  DOST official cites importance of water management

Sa patuloy na pagmo-monitor at testing ng task force, nasa 96% ng mga ibinebentang asin sa lalawigan ay iodized salt mula 2014 hanggang 2017.  Malaking pagtaas ito mula 2011, ang panahong nasa 1% lamang ang iodized salt sa merkado sa Batangas Province, na siyang naging dahilan kaya binuo ang Provincial Bantay Asin Task Force.

Tinalakay din sa pagpupulong ang paggawa ng isang audio visual presentation na nakatuon sa kahalagahan at pakinabang ng iodized salt sa kalusugan, kumpara sa pangkaraniwang asin.  Pinag-usapan din ang mga ikinakasang mga proyekto para sa susunod na taon upang tuloy-tuloy na maisulong ang paggamit ng iodized salt, sa pamamagitan ng mga information and education campaigns, jingle-making contest at poster making competition para sa mga mag-aaral.  (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas with reports from Vince Altar – Batangas Capitol PIO)

Source: PIA Feed