Tagalog news: Proyektong GIA, SETUP ng DOST, ipinagkaloob sa mga benepisyaryo sa Romblon

ODIONGAN, Romblon, Hunyo 14 (PIA) — Pinagkalooban kamakailan ng mga bagong kagamitan at dagdag puhunan ng Department of Science and Technology (DOST) ang micro small and medium enterprises (MSMEs) at kooperatiba sa lalawigan ng Romblon.

Ang proyekto ay bahagi ng Grants-in-Aid (GIA) at Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) ng kagawaran na naglalayong matulungan ang lalawigan na magkaroon ng mga gamit na kinakailangan sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan.

Napiling maging benepisyaryo ng proyekto ng DOST ang LGU-San Jose, San Jose Family Care Credit Cooperative, KADBAYAN Multi-Purpose Cooperative, Longon Multi-Purpose Cooperative at Tuburan Famers Association.

13 MSMEs naman ang nabigyan ng tseke bilang dagdag puhunan sa kani-kanilang negosyo at makapag-empleyo ng marami.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng 6 Lucky L’s Noodles and Fresh Miki, Sam-Sammi Personal Care Products, Soyami Products, Starvy Ice Cream and Frozen Delights, Julia’s Food Products, Darnel’s Iron Works, SMS Machine Shop, Gilrose Furniture, Y2JB Haberdashery, Twinreinz Marble Craft, LER Herbal Products, Santiago Broadcasting Nertwork at KR Arts and Signs.

READ:  PNP to declare 43 drug-free, cleared brgys in Vizcaya

Ayon kay Provincial Science and Technology Director Marcelina Servañez, sa tulong ng SETUP ay maaaring ma-upgrade ng mga ito ang kanilang production facility sa pamamagitan ng pagbili ng makabagong kagamitan, pagsuri sa kalidad ng produkto at magandang packaging.

Ang nabanggit na aktibidad ay dinaluhan nina Regional Director Dr. Ma. Josefina P. Abilay ng DOST-MIMAROPA at Rodolfo Plopinio, isa sa mga miyembro ng Regional Evaluation Committee. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed