Tagalog News: PVET, hangad maideklarang rabies-free ang OccMin


SAN JOSE, Occidental Mindoro, Setyembre 28 (PIA)—Hangad ng Provincial Veterinary’s Office na maging rabies-free province ang Occidental Mindoro.

Ito ang kinumpirma ni Dr. Kristoferson Gonzales, provincial veterinarian ng lalawigan, sa ginanap na 2nd Mimaropa Rabies Summit sa Sikatuna Beach Hotel, San Jose.

Ipinapaliwanag ni Dr. Josue M. Victoria, provincial veterinarian ng Marinduque, ang kanilang best practices sa ginanap na 2nd Mimaropa Regional Rabies Summit. (Voltaire N. Dequina)

Ayon kay Gonzales, makakatulong na maging rabies-free ang lalawigan kung susuporta ang mga pet owners.  Paliwanag ng beterinaryo, dapat segurihin ng mga pet owners na nabibigyan taon-taon ng anti-rabies vaccine ang kanilang mga alaga. Hindi rin aniya dapat hinahayaang pakalat-kalat sa lansangan ang mga ito, partikular ang mga aso, upang hindi makapanakit o maging sanhi ng vehicular accident.   

Dagdag pa ni Gonzales, may ipinatutupad na programa ang PVET laban sa rabies. Aniya bukod sa sistematikong pagbabakuna ng mga alagang aso at pusa, nagsasagawa din ng libreng kapon at ligation ang kanilang tanggapan. “Hindi pa lang natin naabot ang 80 porsiyentong rabies vaccination,” saad pa ng doctor.

Subalit ang hangad na deklarasyong free rabies para sa lalawigan ay hindi magiging madali, dagdag pa ni Gonzales. Aniya, upang madeklara, kailangang sabay na maging rabies-free ang dalawang lalawigan sa isla ng Mindoro. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

READ:  Tagalog News: Pagtatanim ng mga bakawan at paglilinis sa mga baybayin, isinagawa sa Camarines Norte

Source: PIA Feed