Tagalog News: PWDs sa Romblon, nakatanggap ng libreng wheelchair at prosthetic leg


ODIONGAN, Romblon, Setyembre 28 (PIA) — Pitumpo’t isang Persons with Disability (PWDs) sa lalawigan ng Romblon ang nabigyan ng libreng wheelchair at prosthetic leg ng iba’t ibang non-government organization na nakabase sa Maynila.

Pinangunahan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ang pamamahagi ng wheelchair at prosthetic legs sa may mga pisikal na kapansanan sa isla ng Tablas para mabigyan ng saya at bagong pag -asa ang mga ito.

Ayon kay Mayor Fabic, 38 customized wheelchairs at 33 prosthetic legs ang inihandog sa mga Romablomanong may kapansanan sa paglalakad ng mga kinatawan ng Physician for Peace Foundation, Latter Saint Charities, UP-PGH Rehabilitation, University of the East Ramon Magsaysay (EURM)-Rehab Department, CSibale Inc., NORFIL Foundation Inc. at Church of Latter Day Saints Foundation.

Nagtungo rin ang nasabing grupo sa bayan ng Romblon at isla ng Sibuyan upang magsagawa rin ng kahalintulad na aktibidad.

Ang naturang aktibidad ay inorganisa at plinano ng maybahay ni Gov. Eduardo Firmalo na si Dra. Leonie Firmalo kung saan ito ang personal na nakipag-ugnayan sa mga mga pribadong sektor at NGOs upang mabigyan ng tulong ang mga kababayang may kapansanan sa paglalakad.

READ:  DENR to public: Stop using plastic

Layunin ng proyekto na mabigyan ng pag-asa ang mga may kapansanan sa paglalakad para muli silang makalakad ng maayos, mapaunlad ang kakayahang pampisikal at magamit ito sa pakikisalamuha sa ibang tao sa komunidada lalo na ang mga bata. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Masayang nagpakuha ng larawan ang mga PWDs na nabiyayaan ng libreng wheelchair at prosthetic leg kasama sina Dr. Leonie Firmalo (dulong kaliwa), Mayor Trina Firmalo-Fabic (nasa gitna) at mga kinatawan ng NGOs na naghandog ng tulong. (larawan ni Christopher Forlales/LGU-Odiongan)

 

Source: PIA Feed