Tagalog News: PWDs sa Zamboanga City, masayang naibahagi ang kanilang mga kakayahan

ZAMBOANGA CITY, July 25 (PIA) — Ipinamalas ng mga Persons with Disability (PWDs) ang kanilang talento at kakayahan sa pagtatapos ng selebrasyon ng 41st National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week sa  Zamboanga City.

Malaki ang pasasalamat ng mga PWDs sa pamahalaan dahil nabigyan sila ng oportunidad na makapagtrabaho. Ayon kay Rhenuel J. Salazar, gold medalist athlete at trainee ng Area Vocational Rehabilitation Center III (AVRC-III), dahil sa supporta ng pamahalaan naipakita niya ang kanyang kakayahan. “Pagkatapos ng aking training, maghahanap ako ng trabaho upang makatulong sa aking pamilya.”

Ang presidente ng Zamboanga City Hermosa Association of the Deaf na si Eugene Sarte ay nagsabing naramdaman nila na mahalaga sila sa komunidad dahil sa selebrasyon at mga programang inihanda sa NDPR Week.

Anila malaki ang naitulong ng pamahalaan lalo na ng mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan may libreng training para suportahan ang kanilang mga talento. Patunay na rito ang mga naiuwing medalya ng PWD athletes mula sa mga national competition at ang pagkakaroon nila ng trabaho sa lungsod.

READ:  DPWH constructs new quarters for soldiers

Sa kasalukuyan, may mahigit pitumpung trainees ng AVRC III ang nakikinabang sa libreng trainings ng pamahalaan. Layon nito na mabigyan sila ng pangkabuhayan at pagkakataong makapagtrabaho. 

Tiniyak naman ng pamahalaan ang karapatan ng mga PWD gaya na lamang ng benepisyo na maaaring makuha sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) at ang patuloy na kampanya para matigil ang diskriminasyon sa kanila.

Pananatilihin ng DSWD ang mga programa upang suportahan ang mga PWD sa lungsod at mapaigi ang kanilang buhay. “Para sa mga PWD, huwag kayong mawawalan ng pag-asa at huwag hayaang maging hadlang ang inyong mga kapansanan sa inyong mga pangarap,” ayon kay Hasan Alfad, Policy and Plans Division Chief ng DSWD.

Sa huli, umaasa ang mga PWD na mas marami pang kagaya nila ang matutulungan ng pamahalaan. (ALT/MLE/PIA9-Zamboanga City)

Source: PIA Feed