Tagalog news: Red Cross, may bagong kaagapay sa pagbibigay ng dugo sa Bulacan


Kabilang (mula kaliwa) ang Los Caballeros de Pandi at mga pamahalaang bayan ng Baliwag, Bustos at Donya Remedios Trinidad sa mga bagong kapartner ng Philippine Red Cross sa lalawigan ng Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga, Hulyo 21 (PIA) — Lumagda ng kasunduan ng kooperasyon sa Philippine Red Cross o PRC ang iba’t ibang sektor sa Bulacan  upang regular na magbigay ng dugo. 

Kabilang na riyan ang pamahalaang panlalawigan; pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte; at mga pamahalaang bayan ng Baliwag, Bustos at Donya Remedios Trinidad.

Pati na rin ang mga pamahalaang barangay ng Camias sa San Miguel at Abulalas sa Hagonoy.

Naghain din ng kanilang pakikiisa ang mga sangay ng pamahalaang nasyonal na nakabase sa lalawigan partikular na ang Bulacan First Provincial Mobile Task Force Company ng Philippine National Police at First Scout Ranger Regiment ng Philippine Army na nakabase sa Camp Tecson sa San Miguel. 

READ:  Marawi displaced drivers, mechanics learned e-trike operations

Kasama rin ang mga kumpanyang nakabase sa Bulacan gaya ng Cargill, Los Caballeros de Pandi, Indo-Phil Textiles Mills Inc. at Eagle Cement maging ang Colegio de San Gabriel Archangel at Baliwag University.

Sa kanyang mensahe sa mga bagong kapartner ng organisasyon, iginiit ni PRC Chair Senador Richard J. Gordon ang kahalagahan nila sa pagtitiyak na mayroong dugo na makukuha kapag may nangailangan anumang oras.

Binilinan din niya ang mga bagong katuwang na laging tiyakin na ang mga magbibigay ng dugo ay boluntaryo.

Dagdag pa ni Gordon na ipinagbabawal na ng pamahalaan ang private blood banking dahil delikado at tanging ang mga pampublikong ospital at ang PRC ang pinapayagan ng batas.

Kaya upang lalong mapalakas ang kampanya na mas marami ang mahikayat na magbigay ng sariling dugo, patuloy na ipinaiiral ng PRC ang programang 1-4-3.

Ibig sabihin, may isang lider sa barangay na kakalap ng 40 tao na regular na boluntaryong magbibigay ng sariling dugo. (CLJD/SFV-PIA 3)

Source: PIA Feed