Tagalog News: SB Abra de Ilog, inaaral ang paiiraling 'Internal Rules of Procedure' 


Gusali ng Sangguniang Bayan ng Abra de Ilog. (Voltaire N. Dequina)

ABRA DE ILOG, Occidental Mindoro, Hulyo 12 (PIA) — Patuloy pang pinag-aaralan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng Abra de Ilog ang paiiraling Internal Rules of Procedure (IRP) na gagabay sa kanilang mga isasagawang sesyon sa susunod na tatlong taon.

Ayon kay Myriam Japlos, Kalihim ng konseho, ang unang dalawang sesyon ay iniukol sa pagbusisi at paglalatag ng mga panuntunang nakapaloob sa IRP para sa maayos na pagpapadaloy ng bawat sesyon ng kasalukuyang Sangguniang Bayan.

“Higit na makikinabang dito (sa pag-aaral ng IRP) ang mga bagong halal na konsehal,” saad ni Japlos.

Paliwanag naman ni Randolph Saluba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Occidental Mindor na bagama’t existing na ang IRP ng ating mga Sanggunian (Bayan at Panlalawigan), kailangan pa rin nilang pag-usapan at pagkasunduan ang mga gusto nilang i-update o babaguhin.

Aniya, batay sa section 50 ng Republic Act 1760 o Local Government Code of 1991 (LGC), kabilang sa maaring nilalaman ng IRP ay ang iba’t ibang komite sa Sanggunian, araw at oras ng sesyon, legislative process, parliamentary procedures at iba pang panuntunang nais pagtibayin ng isang kapulungan. 

READ:  Tagalog news: 172 huli sa ‘Oplan RODY’ ng Pulis Bulacan

“Sa SB San Jose, isa sa pinagbasehan ng IRP namin ang Roberts Rule of Order (RRO),“ ayon kay Joel Aguilar, Majority Floor Leader sa nabanggit na konseho. Aniya, sa tulong ng RRO, ang pangunahing manwal ng parliamentary procedure sa Estados Unidos, mas napapadali at maayos ang kanilang sesyon.

“Maganda ang palitan namin ng opinyon hinggil sa isang isyu, at hindi kailangang mauwi sa pagtatalo o pagbabangayan,” dagdag pa ni Aguilar.

Nasasaad sa LGC na karapatan at obligasyon ng mga Sangguniang Bayan na magpairal ng sariling IRP para sa mahusay na pagtupad ng kanilang mga gawaing pang-lehislatura at pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang mga deliberasyon. Batay din sa naturang batas,may 90 araw ang konseho upang maisaayos ang kanilang gagamiting IRP. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Source: PIA Feed