Tagalog News: School-based immunization ng DOH, inilunsad sa Puerto Princesa


imunnization
Ang estudyanteng Grade I sa Puerto Princesa Pilot Elementary School na si Mig Rainier Angeluke Raccas (gitna) habang binabakunahan ni DOH Asec. Dr. Maria Francia Laxamana sa isinagawang paglulunsad ng School-Based Immunization Program ng Department of Health (DOH) katuwang ang Department of Education. Isinagawa ito sa Puerto Princesa Pilot Elementary School kahapon. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo Agosto 15 (PIA) — Inilunsad kahapon ang School-Based Immunization (SBI) Program kahapon sa Puerto Princesa Pilot Elementary School.

Ito ay programa ng Department of Health (DOH), katuwang ang Department of Education (DepEd) at ang lokal na Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa.

Pinangunahan ito ni ASEC Dr. Maria Francia Laxamana at Mimaropa Regional Director Dr. Mario Baquilod sa panig ng DOH, Mimaropa Regional Director Dr. Benjamin Paragas at City Schools Division Superintendent Susana Bautista sa panig ng DepEd at ni City Health Officer Dr. Ricardo Panganiban naman sa panig ng Puerto Princesa City Government ang paglulunsad.

Ayon kay Asec. Laxamana, napakahalaga ng pagbabakuna para sa lahat dahil napoprotektahan nito ang bawat isa sa anumang sakit na maaaring makuha ng ating katawan tulad ng tigdas, tetanus, polio, rubella at iba pang sakit. Hindi na aniya bago ang usapin tungkol sa bakuna dahil noon pa man ay mayroon na nito.

“Ang bakuna po ay nandiyan na po sa atin bago pa man tayo ipanganak, ang tawag ko po sa bakunang ito (personally) ay bakunang from womb to tomb’, pahayag ni Asec Laxamana.

 

Dagdag pa ni Asec Laxamana, kaya tinawag niya itong bakunang ‘from womb to tomb’ dahil habang buntis pa lamang ang isang nanay ay binabakunahan na ito upang hindi magkaroon ng ‘postpartum infection’ at kapag ipinanganak na ang isang sanggol ay dapat makumpleto nito ang mga bakunang ibinibigay sa mga health center bago ito umabot ng isang taong gulang. Mayroon na rin aniyang bakuna para sa mga teenagers at gayundin sa mga senior citizen.

READ:  Biliran school heads attend orientation workshop on Oplan Kalusugan sa DepEd

“Bago man lang tayo makarating sa ating libingan [tomb], protektado pa rin po tayo ng ating mga bakuna”, pahayag pa ni Asec Laxamana.

Layon naman ng ‘Back to Bakuna’ program na ito ng DOH na mabakunahan ang mga mag-aaral mula Kindergaten hanggang Grader 7 mula Agosto hanggang sa Setyembre 30.

Ang mga Kindergarten ay babakunahan kontra tigdas. Ang mga Grade 1 hanggang Grade 7 naman ay babakunahan ng kontra tigdas, tetanus at diphtheria.

Bago pa man ang paglulunsad ng nasabing programa ay nakapagsimula nangg magbakuna ang City Health Office sa mga mag-aaral sa iba’t-ibang pampumlikong paaralan sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Ayon kay Dr. Panganiban, nasa 4,251 na ang nabakunahan sa 39 elementary schools sa lungsod at 1,395 naman ang nabakunahan sa 12 high schools. Umaasa naman si Dr. Panganiban na makakamit nila ang itinakdang 95 porsiyentong target sa Setyembre 30.

Tiniyak din ng DOH na sapat ang suplay ng vaccine para sa pagpapatupad ng school-based immunization. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Source: PIA Feed