Tagalog News: Solar-powered Facility, ibinigay ng DOST sa Ferrol Pawikan Hatchery


Sinabi ni Provincial Director Marcelina Servañez (nasa harapan) ng DOST-PSTC Romblon na nilagyan nila ang solar-powered modular facility ng computer at printer na magagamit ng mga Bantay Dagat sa kanilang information dissemination kung paano ma-conserve ang mga pawikan sa bayan ng Ferrol.(Larawan ni Marcelina Servañez/DOST-Romblon)

FERROL, Romblon, Dis. 6 (PIA) — Ipinagkaloob kahapon sa mga nangangalaga ng Pawikan Hatchery ng Bgy. Bunsuran, Ferrol ang solar-powered modular facility nang Department of Science and Technology- (DOST)-Mimaropa sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit ng Ferrol, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Romblon Provincial Tourism Office.

Ang naturang solar-powered modular facility ay magiging power house ng mga Bantay-Dagat members ng Ferrol sa pagbabantay sa kanilang karagatan lalo na ang Marine Protected Area ng Sitio Binucot.

Ayon kay Provincial Director Marcelina Servañez ng Provincial Science and Technology (PSTC)-Romblon, nilagyan nila ang solar-powered modular facility ng computer at printer na magagamit ng mga Bantay Dagat sa kanilang information dissemination kung paano mapapangalagaan at mapaparami ang mga pawikan.

“Napakahalaga nitong mga pawikan, kasi sila ang magiging batayan kung healthy ang ating environment, kasi kung wala sila ibig sabihin hindi maganda yung kapaligiran para kanilang pangitlogan,” pahayag ni Dir. Servañez.

Pinasalamatan naman ng mga barangay official ang proyektong ito ng DOST-Mimaropa dahil ang nasabing facility ay makakatulong sa pangangalaga nila sa mga pawikan at tulong na rin sa mga bantay-dagat sa lugar.

READ:  Abra ‘narco-politicians’ commit to win war on drugs

Pinasalamatan din ng mga kinatawan ng DOST-Mimaropa ang Provincial Government ng Romblon, sa pangunguna ni Governor Eduardo Firmalo gayundin ang Provincial Tourism Office, sa pagtulong para mas madagdagan ang mga gamit na ilalagay sa nasabing pasilidad.

Ayon sa DENR, ang kalimitang nakikita na nangigitlog na pawikan sa Binucot ay ang Green, Olive Ridley, Hawksbill at Leatherback. Noong nakaraang Mayo ay huling may na-monitor ang mga miyembro ng Bantay-Dagat na pawikang nangitlog sa naturang lugar.  (PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed