Tagalog News: SOLAS Training ng Recto Bank 22, pinangunahan ng DOLE


Ipinapaliwanag ni Joseph Reyes (nakatayo), Shipping Operations Specialist ng Marina, ang kahalagahan ng pagdadala ng ID ng kapitan ng barko kapag pumapalaot, sa SOLAS training ng Recto Bank 22. (Voltaire N. Dequina) 

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hulyo 26 (PIA)—Pinangunahan kamakailan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagsasanay sa Safety of Life at Sea (SOLAS) ng 22 tripulante ng FB Gem-ver sa Sikatuna Beach Hotel, San Jose.

Ang FB Gem-ver ay ang bangkang pangisda na naaksidente sa Recto bank noong ika-9 ng Hunyo.

Ayon kay Roderick Tamacay ng DOLE, layon ng programa na madagdagan pa ang kaalaman ng mga nasabing tripulante hinggil sa kaligtasan sa karagatan.

“Napakalawak na ng karanasan ng ating mga tripulante pagdating sa SOLAS,” saad ni Tamacay, “at masusuportahan ng scientific methods na natutunan nila sa training ang mga karanasan nilang ito.”

Sa unang araw ng pagsasanay ay tinalakay ang mga batas at panuntunan para sa mga bangkang pangisda gayundin ang pagpapahalaga at pagbabantay sa yamang- dagat.

 

“Dapat makikita sa isang sasakyang pandagat ang mga survival kit and equipment,” paliwanag ni Teleforo Sambalilo, Training Specialist ng National Maritime Polytechnic (NMP), ang ahensyang gumawa ng mga training module. “Equally important na dapat alam ng mga seafarer ang kinalalagyan ng mga ito,” ayon pa kay Sambalilo.

Sinanay din ang mga tripulante sa pagtugon sa iba’t ibang sitwasyon na maari nilang kaharapin habang nasa karagatan. Kabilang dito ang pag-apula ng apoy gamit ang fire extinguisher, tamang pagtalon sa karagatan suot ang life vest, at ang sama-samang paglangoy na bahagi ng kanilang group survival exercise.

READ:  Cebuano News: Malakanyang abri sa pagsilot sa ginikanan nga nagpasagad

“Sa unang araw pa lang po, marami na kaming natutunan,” pahayag naman ni Antonio Torres, isa sa mga tripulante. Katulad aniya ng kaalaman hinggil sa running lights ng isang bangka na dapat matutunan ng bawat mamamalakaya. “Sa pamamagitan po ng running lights ay makikita ang direksyon ng isang bangka at maiiwasan ang banggaan,” paliwanag ni Torres. Dagdag pa ng tripulante, malaki ang kanilang pasasalamat sa mga ahensyang nagsama-sama upang maisakatuparan ang kanilang pagsasanay.

Ang SOLAS ay isa lamang sa mga tulong ng DOLE sa 22 tripulante. Ayon kay Tamacay, kabilang sa iba pa nilang mga ayuda ang Emergency Employment Program at Entrepreneurial Development Training na para naman sa mga maybahay at kaanak ng nasabing mga tripulante.

Kasama ng DOLE na nagtaguyod sa SOLAS ang Maritime Industry Authority (MARINA), NMP, Philippine Coast Guard at ang lokal na pamahalaan ng San Jose. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

 

Source: PIA Feed