Tagalog News: Solidum, ipinaliwanag ang madaling araw na #MMShakeDrill 


Isang ‘biktima’ na nagtamo ng mga sugat at pinsalasa sa katawan matapos ang malalakas na pagyanig sa isinagawang pagsasanay sa Lungsod Pasig madaling araw ng Sabado. (PIA)

LUNGSOD MAKATI, Hulyo 27 (PIA) — Ipinaliwanag nitong Sabado ni Science Undersecretary at Philippine Institute of Volcanology and Seismology chief Dr. Renato Solidum Jr. kung bakit madaling araw isinagawa ang ika-5 Metro Manila Shake Drill sa buong Kalakhang Maynila.

Ani Solidum, mahalagang maging handa ang mga taga-Metro Manila sa anumang oras, sakaling tumama ang 7.2-magnitude earthquake na “The Big One” na may kakayahang makapaminsala at makaparalisa sa kabuuan ng National Capital Region at mga karatig na lugar.

“Ang lindol po ay pwedeng mangyari kahit anumang oras kaya po ang MMDA, sa kanilang metro wide shakedrill ay pumipili ng iba’t ibang oras upang masanay ang ating mga kababayan para makatotohanan. Kasi hindi naman pwedeng puro araw na lang ang ating drill kasi baka gabi o madaling araw mangyari ang lindol,” ani Solidum.

Ito rin ang unang pagkakataon na idinaos ang #MetroShakeDrill ng alas-4 ng madaling araw kung saan ang kabuuan ng Response Cluster ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) ay hindi naka-preposition at nagmula pa sa iba’t ibang lugar, na kakaiba sa mga naunang drill. Naka-base ang pagsasanay sa Oplan Metro Yakal Plus, ang earthquake contingency plan ng Kamaynilaan at mga karatig lugar na apektado ng paggalaw ng Valley Fault System.

“Napaka-importante ng shakedrill dahil kailangan nating masanay. Unang-una, anong gagawin kapag lumilindol na, [at] pagkatapos, lalo na sa mga komunidad, sa barangay, sa mga bayan, at sa Metro Manila level, at sa national level ay kailangang masanay at mai-test ang kanilang mga contingency plan procedures upang kung may mapansin na kailangang ma-improve ay maisaayos, para sakaling dumating [na] ang tunay na paglindol ay maging episyente ang ating mga pagkilos,” sinabi pa nito.

READ:  Imported rice arrives in WV; prices seen to stabilize

Pinangunahan naman ni MMDRRMC at Metropolitan Manila Development Authority Chair Danny Lim ang ceremonial button pressing sa tanggapan ng MMDA sa Guadalupe kasama sina National Capital Region Police Office chief Major General Guillermo Eleazar, Solidum, MMDA General Manager Jojo Garcia, MDRRMC Focal Michael Salalima, at mga opisyal ng Response Cluster.

Pagkatapos ng seremonya, agad na tumungo ang mga opisyal sa isang “makeshift tent” na nagsilbing emergency operations center ng council at doon nagsagawa ng rapid assessment at response planning.

Kuha sa loob ng makeshift emergency operations center habang nagpupulong ang Response Cluster ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council. (PIA)

Nag-ikot din sina Chairperson Lim at mga opisyal sa apat na quadrant ng Metro Manila upang masaksihan ang mga drill scenario at simulation na inihanda ng mga sumaling Lungsod ng Pasig, Marikina, Manila, Pasay, at Quezon City.

“Itong shakedrill ay ginagawa natin hindi para guluhin, o sirain ‘yung madaling araw nila. Dapat magtulungan lahat dahil seryoso ito, hindi ito biro-biro. Seryosohin natin ito,” panawagan ni Lim sa publiko. Tinatayang hindi bababa sa 35,000 ang masasawi, mahigit 120,000 masusugatan at lagpas tatlong milyong katao ang kinakailangang mailikas bunsod ng The Big One. Bukod sa Metro Manila, tatamaan din ng lindol ang Central Luzon at CALABARZON base sa mga pag-aaral.

Kaugnay nito, nagsagawa rin ng kanya-kanyang pagsasanay ang mga Lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Mandaluyong, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, San Juan, Taguig, Valenzuela, at Munisipalidad ng Pateros sa pangunguna ng kani-kanilang Local DRRM Council. (PIA InfoComm)

Source: PIA Feed