Tagalog News: SSS Lemery branch nagsagawa ng On-Time counselling, updating and registration

TUY, Batangas, Setyembre 13 (PIA)- Nagsagawa ang Social Security System(SSS) Lemery Branch ng On-time counselling,updating and registration kasabay sa pagdiriwang ng Kambingan Festival kamakailan.

Humigit kumulang sa 100 katao ang nakibahagi sa programa  kung saan karamihan ay nagverify ng status ng kanilang mga kontribusyon, loan applications at mga nararapat gawin kung may mga claims tulad ng death at maternity benefits.

Ayon kay Jessica Agbay, SSS Lemery Branch Head, patuloy ang kanilang tanggapan sa paglapit sa lahat ng sector upang maging miyembro ng SSS kasabay ng kanilang ginagawang mga orientasyon upang maipaabot sa kaalaman ng publiko ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS.

“Hindi tumitigil ang aming mga Administrative Officers sa pag-ikot at pagbabahagi ng mga benepisyong maaring makuha ng isang miyembro ng SSS dahil ito ay para din sa kanilang kagalingan. Hangad din namin sa mga susunod pang taon ay patuloy na lumago ang mga miyembro,”ani Agbay.

Maging ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Tuy ay nagpahayag ng kanilang intensyon upang maging miyembro ng SSS sa kabila ng pagiging miyembro na ng Government Service Insurance System (GSIS) sapagkat anila ay hindi lamang ito para sa kanilang mga sarili kundi maging sa kanilang mga mahal sa buhay na magiging benepisaryo nila. (MDC, PIA-Batangas)

Source: PIA Feed

READ:  Regional Peace and Order Council Meeting held to sustain safety status