Tagalog news: ‘Subaraw Biodiversity Festival’, inilunsad ng DOT-Mimaropa


 

Ito ang pinagsamang suba (ilog) at taraw (limestone cliff). Makikita ang bahaging ito sa bungad ng Puerto Princesa Underground River (PPUR). (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)
Ito ang pinagsamang suba (ilog) at taraw (limestone cliff). Makikita ang bahaging ito sa bungad ng Puerto Princesa Underground River (PPUR). (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

 

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 13 (PIA) — Inilunsad kamakailan ng Department of Tourism (DOT) kasama ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Palawan ang “Subaraw Biodiversity Festival” na siyang titulo ngayon ng selebrasyon ng ‘Puerto Princesa Underground River (PPUR) Day’.

Isinabay ang paglulunsad sa Philippine Travel Mart sa kamaynilaan kung saan ipinakita roon kung anong mayroon sa kalikasan ng lungsod at lalawigan na siyang dinarayo ng mga turista.

Sa ikaapat na taon ng pagbubunyi sa araw ng pagiging tanyag sa buong mundo ng pamosong underground river, ipagdiriwang ang Subaraw Biodiversity Festival.

Ang Subaraw ay hango sa katutubong salita na ‘suba’ (ilog) at ‘taraw’ (limestone cliff).

“Ito ang kauna-unahang international event na ang host ay ang Puerto Princesa, ngayon palang continues na ang mga gawain natin, dahil tinitingnan natin dito ang pag-boost lalo ng tourism sa lugar natin,” ani Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) Superintendent Elizabeth Maclang sa Philippine Information Agency (PIA).

READ:  Tagalog news: Bayan ng El Nido, isinailalim sa ‘state of calamity’

Magsisimula ang program ang Subaraw sa ika-tatlo ng Nobyembre sa Sitio Sabang kung saan matatagpuan ang tanyag na kuweba na magtatagal hanggang sa ika-11 ng buwan.

Pinaka-tampok sa festival ang Subaraw grand biodiversity parade na kapapalooban ng labanan sa street dance, float competition, at kompetisyon sa kasuutan.

Ilan sa mga nakahanay na programa ang photo exhibit na matutunghayan sa mga mall sa siyudad mula 6-11 ng Nobyembre, Subaraw inter-school art installation contest, tabuan (agri-trade fair) sa Subaraw, Paraw sa Subaraw (sailboat decoration contest) at magtatanghal din ng ‘Subaraw Festival Queen’.

Bilang bahagi ng mga gawain at promosyon sa pagdiriwang, isinasawa ngayong buwan ang ‘Alay sa Puerto’ o pagkakataong ipinagkakaloob sa mga taga-Puerto Princesa para sa libreng pamamasyal sa kuweba, kung saan sa bawat post ng mga ito sa social media ay may kasamang ‘hashtag’ ng Subaraw Festival (#Subarawbiodiversityfestival). (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

 

Source: PIA Feed