Tagalog News: Ulat sa Bayan isinagawa ng Mayor ng Lipa

LUNGSOD NG LIPA, BATANGAS, Setyembre 27 (PIA)- Nagsagawa ng ulat serbisyo sa bayan si Mayor Meynard Sabili sa Lipa Academy for Sports, Culture and Arts dito sa lungsod noong Setyembre 14.

Ang aktibidad ay isinagawa upang iulat ang iba’t-ibang accomplishments ng pamahalaang lungsod ng Lipa simula 2010 kung saan nakatuon ito sa serbisyong panlipunan para sa ikabubuti ng mga Lipeno.

Ayon sa ulat, mula sa budget na P 890M noong 2010 ay tumaas ang taunang budget ng lungsod kung saan sa taong ito ay umabot sa P1.69B.

Sa bahagi ng imprastraktura ay isinaayos ang mga farm to market roads upang ang malalayong mga barangay ay maging madali ang pagdadala ng kanilang mga produkto at maging ang mga mag-aaral ay hindi mahirapan sa biyahe.

Nagkaroon din ng traffic lights sa mga pangunahing lansangan ng lungsod na isa sa mga sagot sa mabigat na trapikong nararanasan dito. Sa pakikipag-ugnayan din sa pamunuan ng SM City Lipa ay naitayo ang grand terminal sa ilalim ng Public Private Partnership. Nagkaroon ng Lipa Parking Building, Lipa City Center for Training and Development at Lipa Academy for Sports, Culture and Arts.

“Kamakailan ay naipatayo na rin ang Social Welfare Village sa City Park Subdivision kung saan makikita ang administration building, Women’s Center, Bahay Pag-asa para sa Kalalakihan at Kababaihan, Center for Older Persons and Persons with Disability, Juvenile Intervention and Support Center at evacuation center.”

“Ito ay para sa mga Lipeno na nangangailangan ng kaukulang atensyon, mga kabataang kailangan ng proteksyon dahil sa kanilang espesyal na kundisyon, mga inabandona at nakaranas ng pagmaltrato, mga nagkasala sa batas, mga kababaihan at matatandang nangangailangan ng pansamantalang tirahan o interbensyon para manumbalik sa dating normal na buhay. Maging ang mga hindi taga-Lipa ay maaaring serbisyuhan dito,” ani Sabili.

Sa larangan ng kalusugan,natutugunan ang pangangailangan sa pamamagitan ng Ospital ng Lipa kung saan iba’t-ibang mga treatment at prevention ang ginagawa tulad ng laboratory tests, ultrasound, 2D Echo, CT Scan, ECG, X-ray, hemodialysis, maternity care gayundin ang pagkakaroon ng outpatient department para sa mga nagnanais magpakonsulta sa kanilang mga karamdaman.

READ:  PIA, NCCA set to launch Kalinaw Kultura Mindanao

“Sa taong ito umaabot sa P49M ang inilaang budget ng pamahalaang lungsod para matugunan at matutukan pa ang serbisyong pangkalusugan ng ating mga kababayan,” dagdag pa ni Sabili.

Naging awardee rin ang lungsod ng Lipa mula 2012 hanggang sa kasalukuyan dahil sa pagpapalawig ng disease surveillance system bukod pa sa pagtaas sa 98% ng success rate kaugnay ng National Tuberculosis Control program.

Sa pangangalaga ng kapaligiran ipinagbawal ang paggamit ng plastic at inilunsad ang pagkakaroon ng MRF o Materials Recovery Facility sa mga barangay bukod sa pagpapatibay ng Solid Waste Management Commision para sa lungsod.

Mula 2010 ay naglaan ng budget ang pamahalaang lungsod para sa scholarship program kung saan sa kasalukuyan ay umaabot na sa 72,102 recipients ang nasabing programa. Operasyunal na rin ang Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa na nagbibigay ng de-kalidad na edukasyon kung saan noong nakaraang 2017 Board exams sa Criminology ay nakakuha ng 96.15% na passing rate.

Ang Lipa Academy for Sports, Culture and Arts ay nasa completion stage na at maaaring magamit na ng mga kabataang nagnanais magkaroon ng kaalaman sa palakasan, sining at kultura. May 11 short courses naman na ibinibigay ang Lipa City Center for Training and Development at sa kasalukuyan mahigit 6,000 benepisaryo na ang nagtapos dito at nagkaroon ng disenteng trabaho.

Sa tulong naman ng programa I-HELP, ang mga Lipeno ay nabigyan ng tulong puhunan para sa pagpapasimula ng maliit na negosyo kung saan ang City Cooperative ang nagkakaloob nito.

Patuloy rin ang pagpapaigting ng ugnayan sa mga kapulisan upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa buong lungsod upang mas lalo pang makapaghimok ng mga investors at maninirahan na malaki ang impact sa ekonomiya.

Alinsabay ng pag-uulat serbisyo sa bayan ay ipinagkaloob ni Mayor Sabili ang dalawang patrol vehicle na karagdagang sasakyan na magagamit ng kapulisan sa kanilang pagpapagtrolya at pagpapanatili ng katahimikan sa lungsod. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)

Source: PIA Feed