VP Robredo, nanguna sa selebrasyon ng 2018 Araw ng Kalayaan sa Maynila


MAYNILA, Hunyo 13 (PIA)—Sa kabila ng buhos ng ulan, pinangunahan ni Vice President Leni Robredo ang selebrasyon ng ika 120 taon anibersaryo ng Proklamasyon ng Araw ng Kalayaan kahapon na ginanap sa Rizal Park, Maynila.

Kasama si Executive Director Ludovico Badoy ng National Historical Commission of the Philippines, pinangunahan ni Robredo ang pagtataas ng watawat gayundin ang pag aalay ng bulaklak sa Bantayog ni Jose Rizal.

Sa opisyal na pahayag ng Pangalawang Pangulo, sinabi nito na bagama’t matagal na nating nakamtan ang ating kalayaan, marami pang pagsubok ang naranasan ng ating bansa.

 

 

“Nakamtan natin ang kalayaan sa araw na iyon noong 1898, ngunit marami pang pagsubok na hinarap ang ating bansa – ang patuloy na pananakop ng dayuhan, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang malagim na pagsasailalim ng bansa sa Batas Militar. Sa mga yugtong ito ng ating kasaysayan, paulit-ulit na sinubukang agawin ang kalayaang natamasa natin. Ngunit paulit-ulit din nating ipinamalas bilang mga Pilipino ang tapang at tibay ng loob sa pagtiyak na sa dulo ng lahat, mananatili tayong malaya,” pahayag ni Robredo.

READ:  Pista ng Pelikulang Pilipino Year 2 promises to be a bugger selebration for PH cinema

Ayon pa kay Robredo, mahlaga ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino upang makamit ang mapayapa at maunlad na bansa.

“Nangangarap tayong lahat ng isang mapayapa at maunlad na bansa kung saan matiwasay at may dangal ang buhay ng bawat Pilipino. Walang ibang makapagpapatotoo ng pangarap na ito kung hindi ang nagkakaisang sambayanang Pilipino. Tiwala akong taglay natin ang kapangyarihang iahon ang ating mga kababayan mula sa kahirapan, ang tapang na idiin ang paggalang sa ating mga karapatan, at ang kakayahang ipagtanggol ang kalayaan ng ating bansa mula sa samu’t saring banta,” dagdag pa ni Robredo.

Sa pagwawakas ng kaniyang opisyal na pahayag, nag-iwan ng hamon si Robredo sa bawat Plipino.

“Sa pagdiriwang natin ng kalayaan sa araw na ito, nawa’y magkaroon ng panibagong lakas ang bawat isa sa atin na isabuhay ang diwa ng ipinaglaban ng ating mga bayani – ang pag-aasam sa at pagtataguyod ng isang bansang tunay na nagpapalakas sa kalayaan ng bawat Pilipino,” ani Robredo. (PIA-NCR)

 

 

 

Source: PIA Feed